722 total views
Mga Kapanalig, bilang mga tao, tayo ay may mga karapatang dapat na makamit. Nakaugat ang mga ito sa ating dignidad. At sa ating pananampalatayang Katoliko, ang dignidad na ito ay nagmumula sa katotohanang nilikha tayong kawangis ng Diyos. Itinuturo din sa ating ang dignidad ng tao ay mapangangalagaan kung pangangalagaan din ang ating mga karapatan. Ang bawat isa ay may karapatang mabuhay at makamit ang mga bagay na kailangan para sa isang disenteng buhay. Sa pagkamit ng mga karapatang ito, dapat nating gampanan ang ating mga tungkulin sa ating kapwa, sa ating pamilya, at sa ating bayan.
May mga pagkakataong lumalabis tayo sa paggigiit sa mga bagay na sa ating tingin ay dapat nating matanggap, sa mga bagay na lampas sa ating mga karapatan. Naniniwala tayong may mga pribiliheyo tayong dapat na ibigay sa atin. Umaabot tayo sa puntong naniniwala tayong umiikot sa atin ang buong mundo. Ang mga sinasabi nating mga karapatan natin ay hindi na umuusbong sa ating pagiging nilikha ng Diyos. Hindi na sila ginagarantiya ng mga batas ng bansa. Nagsisimula na tayong humingi ng mga benepisyo at kaginhawahan bilang isang “karapatan”. Ito ang tinatawag na sense of entitlement.
Kahit noong panahon ni Hesus, maraming may sense of entitlement. At ang kanilang mga ginagawa sa ngalan ng sense of entitlement na ito ang pinuna ng ating Panginoon. Sa Mateo 23:6-7, halimbawa, matutunghayan natin ang mga Pariseo na laging “nais… ay ang mga upuang pandangal sa mga handaan at ang mga pangunahing upuan sa sinagoga. Gustung-gusto nilang binabati sila sa mga palengke, at tawaging ‘guro.’” “Mas ginusto nilang parangalan sila ng tao kaysa parangalan ng Diyos,” wika naman sa Juan 12:43. Kaya naman, ang turo ni Hesus sa kanyang mga alagad—at sa ating nais maging tagasunod Niya—“Sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kailangang itakwil ang kanyang sarili.” Mababasa natin ‘yan sa Mateo 16:24.
Nakalulungkot na sa panahon natin ngayon, kitang-kita ang mga may sense of entitlement. Nabalitaan ninyo marahil ang balita tungkol sa isang nag-viral na video na ipinakitang pansamantalang pagpapatigil sa daloy ng trapiko sa Commonwealth Avenue dito sa Quezon City. Ayon sa pulis na kausap na kumuha ng video, may daraan daw kasing VIP o very important person. Ilang minutong pinatigil ang daan-daang motorista upang komportableng makatawid ng highway ang convoy ng hindi pa rin pinapangalanang VIP.
Nakalulungkot na mataas na opisyal ng gobyerno ang sinasabing VIP, isang opisyal na nanumpang maglilingkod sa taumbayan, isang opisyal na alam sana ang pinagdadaanan ng mga mamamayang katulad ng mga motoristang laging naiipit sa trapiko. Kung totoo man ito, wala na yata talaga ang panahong walang wangwang, walang sirena, walang mga naghahawi ng mga sasakyan para makadaan ang mga VIP. Sa madaling salita, wala na ang pagbabawal sa mga abusado sa kalsada, sa mga gumagamit sa kanilang kapangyarihan para sa kanilang kaginhawahan, sa mga may sense of entitlement.
Ang mas nakapagtataka pa, sa halip na ipaalam sa publiko kung sino ang umabala sa mga motorista at mananakay para lamang tumawid, ang hinabol at nais kasuhan ng mga pulis ay ang nag-upload ng video. Inalis din muna sa puwesto ang pulis na nagbanggit ng pangalan ng VIP, bagamat sigurado namang sumusunod lamang siya sa iniutos ng mga nakatataas sa kanya.
Mga Kapanalig, maalala sana ng ating mga lider na ang kanilang posisyon ay hindi nagbibigay sa kanila ng kapangyarihang mag-astang mga hari at reynang laging pinaglilingkuran. Sila ang dapat na naglilingkod sa taumbayan. Kaakibat sana ng paglilingkod na ito ang pagiging maláy at mulát sa nararanasan ng kanilang mga pinaglilingkuran. Hindi nila ito magagawa kung matindi ang kanilang sense of entitlement.
Sumainyo ang katotohanan.