341 total views
Homiliya para sa Ika-5 Linggo ng Pagkabuhay, Mayo 7, 2023, Juan 14:1-12
Isa daw sa pinakamalakas magpaikli sa buhay ng tao ay pagwo-worry o pagkabalisa. Ito raw and pinaka-common na klase ng mental health issue na nararanasan ng lahat ng tao sa buong mundo. Ang madalas gamitin na technical term para dito sa Ingles ay ANXIETY DISORDER, o kawalan ng panloob na katiwasayan. Iyun bang hindi makatulog, di-makakain, di-makatrabahong mabuti, walang kapanatagan, laging parang balisa o ninenerbyos na baka may mangyaring masama. At ang pinaka-common form daw ng anxiety ay SEPARATION ANXIETY (takot na mawalay).
Ang madalas daw na pagmulan ng anxiety o pagkabalisa ay pagkatakot sa kamatayan, lalo na pag nagkakasakit na ang tao o nagkakaedad, o nakakaranas na ng “life-threatening situations” o mga karanasan ng pagkakalagay sa bingit ng panganib. Dahil ang buhay natin ay nakakabit sa buhay ng ibang tao, natatakot tayong mawalay. Naitatanong natin, “Paano na lang kami, pag nawala ka? Paano na lang kayo pag nauna na ako?”
Lahat daw ng tao ay may ganitong klase ng pagkabalisa, dahil para sa ating lahat, ang buhay sa mundo ay nagsimula sa pagkawalay natin sa buhay sa sinapupunan. Dati kasi tayong nakakabit o nakarugtong sa nanay, napatid tayo sa pusod nang tayo ay isilang. Kaya siguro may tendency tayong mangunyapit o kumapit nang mahigpit. Itong ganitong pangamba ang madalas magdulot ng insecurity sa atin. Takot tayong bumitiw, baka kasi tayo maiwan, o mawalay.
May kakilala ako, naging traumatic sa kanya ang pag-alis ng tatay niya. Kasama siyang naghatid sa airport, ayaw bumitaw. Nagkatotoo pa naman ang kinatatakutan niya. Sa ibang bansa, nagkaroon ng ibang pamilya ang tatay niya at hindi na umuwi. Kaya malakas ang kanyang separation anxiety. Madalas daw niyang mapanaginipan na parang iniwan siya, para siyang pusang iniligaw.
Pagnilayan natin ang paraan ni Hesus ng pagtugon sa pagkabalisa ng kanyang mga alagad, ayon sa ebanghelyo. Una: ang pagkabalisa ni Tomas. Parang ganito ang dating ng sinasabi ni Tomas sa unang bahagi ng ebanghelyo.
“Mauuna ka sa amin? Susunod kami? Baka maligaw kami! Baka malihis kami ng landas. Baka magkalayo tayo at hindi na magkitang muli. Ituro mo sa amin ang daan!” At ang sagot ni Jesus ay ganito, “Hindi ko lang ituturovang daan; sasamahan ko kayo.”
Kaya big word ngayon ang salitang ACCOMPANIMENT. Kahit kasi inexplain na sa atin ang daan, pwede nating makalimutan. O kahit meron nang hawak na mapa papunta sa pupuntahan, pwede pang maligaw ang tao. Ang waze nga pumapalpak din kapag walang signal at hindi makapag-recalculate.
Iba ang feeling pag sinabihan ka—“Don’t worry sasamahan na kita.” Iba ang feeling na may kasama ka, kaantabay, kaagapay. Sa piling ng ating mga mahal sa buhay, panatag ang loob natin. Ganoon ang pagiging alagad—iyung panatag ang loob mo sa piling ni Hesus. At napapanatag din ang loob ng iba sa pamamagitan mo, dahil ramdam sa iyo ang Panginoong nakikilakbay sa atin.
Kaya pala hindi sinabi ni Hesus “Ituturo ko sa iyo ang daan, katotohanan at buhay.” Ang sabi niya, “Ako ang daan, katotohanan, at buhay.” Walang dahilan para ikaw ay mabalisa kung kasama mo ako. Sa piling niya, ang kaharian ng Diyos ay narito na. Mararanasan na, hindi bukas kundi ngayon na.
Sa unang pagbasa may problema daw sa community na ipinaabot sa mga apostol. May napapabayaan; may nagugutom at may nalalamangan. Hindi ito ipinagwalang-bahala ng mga apostol. Hindi nila sinabing maaayos din iyan sa wakas ng panahon. Anong wakas? Ayusin natin ngayon na. Basta’t may magagawa, gawin ito ngayon na, huwag ipagpabukas. Kaya humirang sila ng mga diyakono na mangangasiwa at tutugon sa mga pangangailangan.
Hindi kailangang maghintay ng kabilang buhay upang maranasan ang paghahari ng Diyos. Pwede nating isabuhay ang buhay sa mundo sa paraang sumasaatin na ang kaharian at sinusunod ang kalooban ng Diyos, upang ang dito sa lupa ay para nang sa langit. Ito rin ang sinasabi ng ating ikalawang pagbasa sa sulat ni San Pedro, “na tayo’y maging mga buhay na batong na pinagsama-sama upang bumuo ng isang templo, isang pagkaparing nag-aalay ng mga sakripisyong katanggap-tanggap sa Diyos sa pamamagitan ni HesuKristo.” Sa madaling salita, kay Kristo bilang ating panulukang bato, ang bukas ay nagiging ngayon na.
Sa pangalawang bahagi ng ebanghelyo, tututukan naman natin ang pagkabalisa ni Felipe. Parang ganito ang sinasabi niya: “Lord, sakali mang makaabot nga kami sa pupuntahan mo, e baka hindi naman kami makilala ng tatay mo. Baka hindi niya kami patuluyin. Baka pag kumatok kami ay pagsarhan kami ng pinto. O baka ibang pinto ang katukan namin dahil hindi namin kabisado ang mukha niya. Baka sabihin niya, hindi ko kayo kilala.”
Ito ang isa pang madalas magdulot sa atin ng pagkabalisa. Ang takot na baka hindi tayo tanggapin. Baka hindi tayo pumasa o makitang karapat-dapat. Baka tayo ma-etsapwera.
Ang sagot ni Hesus kay Felipe ay, “Ako at ang Ama ay iisa.” Kay Hesus nakikita ang Diyos na hindi nakikita. Ito ang sinabi ni San Pablo sa mga Taga Kolosas, “Siya ang mukha ng Diyos na hindi nakikita, ang panganay ng buong sangnilikha.” At ang mukha ng Diyos na ipinakilala ni Hesus ay mahabagin at mapagmalasakit. Hindi isang Diyos na huhusga sa atin. May lugar siya para sa lahat, wala siya itatapon o isasantabi. Sabi nga ni San Juan, “hindi naman isinugo ng Diyos ang kanyang anak upang parusahan ang daigdig kundi upang iligtas ito.
Kaya kaisa ni Hesus, sa atin ding mga alagad dapat ding makita ang mukha ng Diyos na mahabagin, tumatanggap at nagpapatawad. Kaisa ni Hesus ang Diyos na hindi nakikita ay makikita rin sa atin, sa ating mga gawain. Sa pagiging alagad, mas nakikilala natin siya, mas napaglilingkuran, at nasusundan nang nang mas malapitan upang makatulad natin siya, upang maging “kamukha” natin siya, upang matulad tayo sa kanyang hugis at wangis. At nangyayari ito kapag natututo tayong magmahal kung paano niya tayo minahal.