190,411 total views
Mga Kapanalig, ginamit na dahilan ni Senador Robin Padilla ang prinsipyo ng separation of church and state upang depensahan ang kontrobersyal na televangelist na si Apollo Quiboloy. Ito ang kanyang dahilan kung bakit pinangunahan niya ang paglalabas ng isang written manifestation bilang pagtutol sa pagpapaaresto sa nagtatag sa grupong Kingdom of Jesus Christ.
Nagsagawa ng pagdinig ang Senado, sa pangunguna ng women and gender equality committee na pinamumunuan ni Senador Risa Hontiveros, tungkol sa mga alegasyon ng pang-aabuso umano ni Ginoong Quiboloy sa mga babae at batang miyembro ng Kingdom of Jesus Christ. Hindi kailanman sinipot ng nagpapakilalang “Appointed Son of God” ang mga pagdinig sa senado. Dahil dito, pinapa-cite in contempt siya ni Senador Hontiveros, bagay na kinokontra ni Senador Padilla.
Kasama ni Senador Padilla sa pagpigil sa gustong mangyari ng komite ni Senadora Hontiveros sina Senador Bong Go, Cynthia Villar, at Imee Marcos. May kanya-kanya silang dahilan, ngunit para kay Senador Padilla, naniniwala siyang labag sa separation of church and state ang ginawang imbestigasyon ng komiteng pinamumunuan ni Senador Hontiveros. Nakakaiskandalo raw ang pagsisiyasat ng senado, bilang isang institusyon ng estado, sa mga akusasyon laban sa lider ng Kingdom of Jesus Christ.
May dapat linawin sa pagkakaunawa ni Senador Padilla sa prinsipyo ng separation of church and state. Binabanggit ito sa Saligang Batas ng 1987, pero ang pinatutungkulan nito ay ang pagbabawal sa estado na magtatag ng tinatawag na state religion. Hindi rin dapat manghimasok ang estado sa malayang pagsasabuhay ng pananampalataya ng mga mamamayan. Bawal ding gamitin ang pondo ng bayan para suportahan ang isang partikular na relihiyon o religious group.
Madalas abusuhin ang prinsipyong ito ng mga kritiko ng simbahan, lalo na tuwing may sinasabi ito tungkol sa mga isyung panlipunan at pampulitika. Sa kaso naman ng pagsisiyasat sa mga pang-aabuso ng isang lider ng simbahan o grupong panrelihiyon, dapat ding itama ang pag-unawa sa separation of church and state. Hindi tinatanggal ng prinsipyong ito ang tungkulin ng ating public officials na magsiyasat sa ngalan ng pagtataguyod ng katotohanan at ng kapakanan ng taumbayan. “No one is above the law,” ‘ika nga. Kahit ang mga lider ng simbahan, anuman ang relihiyon, ay dapat papanagutin sa batas kapag sangkot sila sa krimen. Hindi nila dapat gamitin ang relihiyon.
Mahalagang magkaroon tayo ng tama at sapat na pag-unawa sa kahulugan ng separation of church and state. Dapat din natin itong asahan sa chairman mismo ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes. Si Senador Padilla po ito.
Hindi maikakailang impluwensyal na personalidad si Ginoong Quiboloy at lumalampas ito sa mga kasapi ng kanyang grupo. Hanggang sa pulitika, mararamdaman ang tila pagpapahalaga sa kanya ng maraming pulitiko. Ang pagiging bantulot nilang alamin ang katotohanan sa mga lumalabas na isyu laban sa televangelist ay isang patunay. Nakalulungkot ito dahil hindi ba’t ang taumbayan—hindi ang mga kaibigan at kakampi—ang dapat nilang pinapanigan, pinaglilingkuran, at ipinagtatanggol? Ang mga nasa pamahalaan, paalala ng mga panlipunang turo ng ating Simbahan, ay dapat na kumikilos sa ngalan ng kabutihang panlahat o common good.
Mga Kapanalig, ang paalala ng Panginoon sa mga Israelita sa Exodo 23:6 ay akmang-akma sa ating mga lingkod-bayan ngayon: “Huwag ninyong pagkakaitan ng katarungan ang mahihirap.” Kaakibat ng paggagawad ng katarungang ito ang pagtiyak na kumikiling ang ating mga lider sa sinuman—hindi dahil sa impluwensya, utang na loob, o pagkakaibigan—kundi dahil sa paninindigan para sa kung ano ang totoo, tama, at mabuti. Ito sana ang maging sandigan ng ating mga pinuno, hindi ang maling pag-unawa nila sa mga prinsipyo ng ating mga batas.
Sumainyo ang katotohanan.