254 total views
Mga Kapanalig, hinirang ni Pangulong Duterte bilang bagong kalihim ng Department ng Social Welfare and Development o DSWD si Army Chief Lieutenant General Rolando Bautista. Siya ang magiging opisyal na kapalit ni dating DSWD Secretary Judy Taguiwalo, na hindi kinumpirma ng Commission on Appointments noong nakaraang taon.
At gaya ng inaasahan, marami ang nagtanong: Angkop ba ang kasanayan at kakayahan ng isang dating heneral upang pamunuan ang isang ahensyang ang mandato ay tiyakin ang kapakanan (o welfare) at ang kaunlaran (o development) ng mga Pilipino, lalo na ng mahihirap? Akma ba ang kanyang background upang pangasiwaan ang mga programang katulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program at mga serbisyo para sa mga kababayan nating biktima ng pang-aabuso at diskriminasyon? Hindi kaya dapat ang hinirang ng pangulo ay isang social worker na nagsanay upang malaman ang angkop na serbisyo para sa mga nangangailangan?
Isa lamang si General Bautista sa maraming itinalaga ni Pangulong Duterte sa kanyang gabinete na ang track record ay pangasiwaan ang seguridad at panatilihin ang kaayusan ng ating bansa. Nariyan ang sinibak na administrator ng National Food Authority o NFA na si retired Army Major Jason Aquino. Sa Department of Environment and Natural Resources o DENR, kasalukuyang kalihim si retired general Roy Cimatu. Acting secretary naman ng Department of the Interior and Local Government o DILG ang dating AFP chief na si Eduardo Año. Pinuno naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC si retired Brigadier General Ricardo Jalad. Sa Housing and Urban Development Coordinating Council naman, chairman si retired General Eduardo del Rosario.
Sa dami ng mga dating heneral at sundalo sa administrasyong Duterte, marami ang nagsasabing kapansin-pansin ang militarisasyon sa pamahalaan. Para kay dating DSWD Secretary Taguiwalo, bilang isang ahensyang nagtataguyod sa dignidad at karapatan ng mga Pilipino, ang DSWD ay dapat na bukás sa pakikilahok ng mga mamamayan sa mga programa nito. Mahirap asahan ang partisipasyong ito kung ang namumuno sa DSWD ay nasanay sa estilo ng pamamahala kung saan ang utos sa itaas ay dapat sinusunod ng mga nasa ibaba. Nabahala rin maging ang UP College of Social Work and Community Development lalo pa’t hindi naman kulang ng mga kuwalipikadong propesyonal na kayang pamunuan ang ahensya.
May ilang grupong konektado sa Simbahan katulad ng NASSA–Caritas Pilipinas at mga samahan ng evangelical groups katulad ng Philippine Council of Evangelical Churches at National Council of Churches in the Philippines na nagsabing maaaring makompromiso ng pagkakatalaga kay General Bautista ang pagbibigay ng mga serbisyo ng DSWD sa mga conflict areas, lalo pa’t may mga naiuulat na mga kaso ng paglabag ng militar sa karapatang pantao sa kanayunan at sa Mindanao na nasa ilalim ng martial law.
May katwiran ang mga naaalarma sa hinirang na bagong kalihim ng DSWD. Mahirap ihiwalay sa mga taong dating naglingkod bilang kasapi at pinuno ng ating Sandatahang Lakas ang paggamit ng puwersa para lamang mapanatili ang kapayapaan sa bansa. Gaya ng nasabi natin kanina, nasanay sila sa pamumunong walang dapat pumupuna, at sa pagsunod na walang dapat kinikuwestyon. At dahil dito, hindi maiiwasang ituring sila bilang mga taong kumikiling sa karahasan.
At para sa atin sa Simbahan, hindi kailanman magiging tugma ang karahasan sa pagsusulong ng kapakanan at tunay na paglago ng mga tao. Hindi mapapangalagaan ng mga nasa pamahalaan ang dignidad ng tao kung naniniwala silang sila lamang ang dapat na nasusunod. Hindi mabibigyan ng tinig ang mga nasa laylayan ng lipunan kung ang ating mga lider ay nahubog sa uri ng pagsunod na nakikinig lamang sa mga nakatataas sa kanila?
Mga Kapanalig, kasabay ng pagdadasal nating maliwanagan nawa ang mga namumuno sa ating pamahalaan, patuloy tayong maging mapagbantay at mapanuri sa bawat kilos nila.
Sumainyo ang katotohanan.