181 total views
Pulitika ang puno’t dulong problema ng sunod-sunod na aberya ng mga tren sa bansa.
Ito ang binigyang-diin ni United Filipino Consumers and Commuters President RJ Javellena sa panayam ng programang Veritas Pilipinas ng Radio Veritas.
Ayon kay Javellana, ang mga opisyal na dapat sana’y magseserbisyo sa publiko para makapagbigay ng maayos at ligtas na transportasyon ay nagiging mga negosyante at naisasantabi ang kapakanan ng mga pasahero.
“Base sa mga general managers ng mga nagdaan, yung iba ho pumapasok sa gobyerno hindi para magbigay serbisyo-publiko kundi ang kanilang pangunahing pakay ay magnegosyo. Marahil may mga malalakas na pwersa ng negosyante at ilang mga pulitiko na nagpapaupo sa mga posisyon na ito para makontrol nila ang pagnenegosyo kaya po tayo nagkakaroon ng mga ganitong problema,” ani Javellana.
Batay sa Comparative Summary of Maintenance Provider Performance Report ng Manila Metro Rail Transit System (MRT), umabot na sa 2,600 ang naiatalang insiidente ng pagkasira ng mga tren sa bansa mula 2010 hanggang 2016.
Mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon lamang ay umabot na sa mahigit 400 ang unloading incidents sa MRT.
Inihayag naman ni Javellana ang magandang hakbang ang ginawang pagtapos ng pamahalaan sa 17-taong kontrata ng Busan Universal Rail Incorporated bilang MRT operator at ang pagtake-over ng gobyerno sa pangangasiwa ng MRT Line 3.
“Maganda po ang ginawa ng pamahalaan ngayon na inilagay nila sa kontrol nila [ang MRT Line 3] dahil nakita naman natin yung perfromance ng mga private concessioners at contractors na ito. Una pwede tayong makatipid pero huwag naman sa ibulsa. Sana matuto na ang kasalukuyang administrasyon dun sa mga political at management issues na ito,” dagdag pa nito.
Una nang inihayag ni Transportation Undersecretary for Rails Cesar Chavez na patuloy na pinag-aaralan ng kagawaran departamento ang mga kompanyang nagpahayag ng interes upang pangasiwaan ang MRT line 3 kabilang na ang Sumitomo Corporation, RATP Development at Singapore MRT.
Patuloy naman ang pagpaalala ng Kanyang Kabanalan Francisco sa bawat bansa na magsulong ng mga programa na mapakikinabangan ng lahat ng mga mamamayan kabilang na rito ang isang ligtas na transportasyon.