430 total views
Patuloy ang Radyo Veritas katuwang ang Caritas Manila sa pagtulong sa mga higit na nangangailangan lalo na sa serbisyong medikal.
Tinulungan ng kapanalig na himpilan si Nanay Epifania Altares, 62-taong gulang at taga-San Jose del Monte, Bulacan na nanawagan sa Caritas in Action program noong June 9, 2022 upang humingi ng tulong para sa iniindang diabetes at problema sa kanyang mga mata.
Ayon kay Nanay Epifania, nahihirapan siyang kumilos at mas pinipili na lang niyang manatili sa loob ng tahanan upang hindi sumakit ang kanyang mga mata sanhi ng matinding sikat ng araw.
Tinugunan naman ng kapanalig na himpilan kasama ang social arm ng Archdiocese of Manila ang kahilingan ni Nanay Epifania at agad na sinuri ang kanyang mga mata sa pamamagitan ni Dr. Mario Reyes, isang ophthalmologist at partner ng CIA program.
Binigyan ni Dr. Reyes ng libreng konsultasyon at salamin sa mata si Nanay Epifania upang muling magkaroon ng malinaw na paningin at makatulong sa iba pang gawain.
“Ang problema ng mata niya (Nanay Epifania) is kailangan lang niya mag-eyeglasses as far as ‘yung history ng diabetes niya ay kontrolado naman. Hindi naman siya ‘yung grabeng-grabe. Ang grado niya is far-sighted plus walang cataract at retinopathy. Ibig sabihin ‘yung diabetes niya, hindi pa umeepekto sa mata niya at she could live a long life with good vision,” ayon kay Dr. Reyes.
Nagpapasalamat naman si Nanay Epifania sa mga tumulong upang maisakatuparan ang kanyang kahilingang magkaroon ng sariling salamin sa mata.
Aniya, malaking tulong ito sa kanyang mga gawain sa tahanan lalo’t isa rin sa pinagkakaabalahan at pinagkukunan niya ng pagkakakitaan ang pananahi.
“Hinihintay ko talaga ‘yung tawag ng Caritas in Action kasi gustong-gusto ko talagang mapacheck up ang aking mata. Sa awa naman ng Diyos, natupad ‘yung aking minimithi na sunduin nila ako para sa aking mata kasi nahihirapan ako sa paglalakad ko kapag malabo ‘yung mata ko. Tsaka doon naman po sa konsultasyon ng aking mata, naging success ‘yun at salamat kay Doc Mario. Mabibigyan na niya ako ng salamin na matagal ko nang hinahangad,” ayon kay Nanay Epifania.
Samantala, payo naman ni Dr. Reyes sa mga kapanalig na panatilihing malusog ang pangangatawan at mga mata sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansiyang prutas at gulay at iwasan ang masyadong matataba at matatamis na pagkain.