701 total views
Mga Kapanalig, kumalat noong isang linggo sa social media at naging mainit na balita ang mapanuya o “sarcastic” na payo ng isang assistant secretary ng DSWD sa mga mambabatas ng European Union o EU. Bilang isa sa mga masugid na tagasuporta ni Pangulong Duterte, ipinagtanggol niya ang ating presidente laban sa mga pumupuna sa kanyang mga patakaran at aksyon, kabilang rito ang pagbibigay-basbas sa pagkukulong sa isa niyang kritiko at ang planong pagbabalik ng parusang kamatayan.
Sa isang resolution, ipinayahag ng mga mambabatas ng EU ang kanilang pagkabahala, at sinabing maaaring makaapekto ang mga isyung ito sa ugnayan ng European Union at Pilipinas. Hindi ito nagustuhan ng kawani ng DSWD, at idinaan niya sa Facebook ang pagpuna sa EU. Pinasinungalingan niya ang mga batikos kay Pangulong Duterte, sa pamamagitan ng pagsasabing 9 sa 10 Pilipino ang sumusuporta sa mga ginagawa ng administrasyon. Kinikilala rin daw sa ibang bansa ang ating pangulo dahil kabilang siya sa mga pinagpipiliiang maging “most influential person” ng isang sikat na magazine. Ayon sa kawani, sa halip daw na pambabatikos sa pangulo ang pagkaabalahan ng mga mambabatas ng EU, bakit hindi na lamang daw sila manood ng child pornography dahil doon naman daw sila magaling. Gaya ng inaasahan, umano ng batikos ang post na ito ng assistant secretary ng DSWD.
Napakahirap isiping magmumula ang ganitong mga pananalita sa isang kawani ng isang ahensiyang dapat tumutugon sa pangangailangan ng mga batang biktima ng pornograpiya at dapat na nangunguna sa paglaban sa child pornography. Ngunit, depensa ng kalihim ng DSWD, ang post ng kanyang assistant secretary ay isa lamang panunuya o sarcasm. Hindi raw iyon nangangahulugang itinataguyod ng kawani ang child pornography o kaya naman ay pinabababaw ang mabigat na problemang ito. Subalit, kung totoong seryoso tayo sa pagsupil sa child pornography, makatwiran bang sambitin ang isyung ito sa panunuya sa ibang tao?
Mayroon tayong tatlong batas na layong labanan ang child pornography: ang RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act of 1992; ang RA 9775 o ang Anti-Child Pornography Act of 2009: at ang RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012. Sa kabila ng mga batas na ito, itinuturing pa rin ng United Nations Children’s Fund (o Unicef) ang Pilipinas bilang nangungunang pinagmumulan ng child pornography sa mundo at sentro ng livestream sexual abuse trade. Base ito sa datos na kalahati sa 7,000 kaso ng cybercrime bawat buwan ay may kinalaman sa child sexual abuse. Bagama’t kinuwestyon ng National Bureau of Investigation (o NBI) ang nasabing datos, hindi naman nila itinangging laganap pa rin ang child pornography sa ating bansa. Ganito po kaseryoyo ang problema ng child pornography kaya’t walang lugar ang isyung ito sa panunuya.
Ayon sa mga Catholic social teaching, tahasang niyuyurakan ng pornograpiya ang dignidad ng mga taong tampok sa mga malalaswang palabas. Sinisira rin nito ang buhay ng mga nagbebenta at tumatangkilik nito. Ang bawat taong may ganap na dignidad ay hindi kalian man dapat gamiting parang bagay na maaring pagkatuwaan at pagkakitaan. Sa kaso ng child pornography, ang mga batang inosente at walang sapat na kakayahang magpasya o ipagtanggol ang kanilang sarili ay mga biktimang kailangang sagipin.
Sa mabigat na kadahilanang ito, higit nating inaasahan ang maingat na pagtrato ng ating mga opisyal sa usapin ng child pornography. Bilang mga tagapagsulong ng mga programang pipigil sa child pornography, ang ating mga kawani sa DSWD ay hindi dapat ginagamit ang isyung ito para lamang manuya. Mas mainam at makatutulong kung magtatrabaho sila upang sagipin ang mga batang ginagamit sa pornograpiya sa halip na pag-aksayahan ng panahon ang paninira sa iba gamit ang maselang isyung ito.
Sumainyo ang katotohanan.