193 total views
Mga Kapanalig, kamakailan ay mariing itinanggi ni Pangulong Duterte ang pangako niya noong kampanya na ipaglalaban niya ang West Philippine Sea. Hindi niya raw ito ipinangako sapagkat ito raw ay “very serious matter.” Inaakala kaya niyang nalimutan na natin ang kanyang mga pangako noong 2016?
Noong Enero 2016, ilang buwan bago ang eleksyon, sinabi niyang kung mananalo siya, kakausapin niya ang China upang sabihing ang inookupa nitong mga isla ay nakapaloob sa ating exclusive economic zone. Isang buwan matapos ang pahayag na ito, binalaan niya ang China na tigilan ang pag-angkin sa ating karagatan. At ang pinakatumatak sa mga tao ay ang pahayag niya na kapag nanalo tayo sa kaso laban sa China at hindi pa rin nito iniwan ang ating karagatan ay sasakay siya ng jetski patungong Scarborough Shoal upang dalhin doon ang ating watawat.
Ngayon, limang taon matapos ang ating makasaysayang panalo sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands, sinabi ng pangulo na walang halaga ang ating panalo. Isa lamang daw iyong papel at “usapang bugoy” na nararapat itapon sa basurahan. Marami daw naitutulong sa atin ang China kaya’t hindi tayo dapat maging bastos sa kanila. Dapat pa nga raw tayong magpasalamat sa mga ibinigay nilang mga bakuna laban sa COVID-19 at malalaking utang na pampagawa ng mga imprastraktura.
Hindi ito ang unang pagkakataong binaligtad ng pangulo ang kanyang mga pahayag noong halalan. Matapos niyang mahalal ay makailang ulit rin niyang sinabing hindi natin kakayanin kung tayo ay makikipaggiyera sa China, na tila ba iyon lamang ang tanging paraan upang ipagtanggol ang nararapat na sa atin. Ngunit gaya nga ng sinabi ni dating Supreme Court Justice Antonio Carpio, tila “grand estafa” ang lokohin ang 16 na milyong Pilipino noong mangako si Pangulong Duterte na ipaglalaban niya ang West Philippine Sea gayong hindi naman pala niya ito gagawin.
Ngunit higit sa tingin ng dating mahistrado ay ang tingin ng nakararaming Pilipino. Sa survey ng Social Weather Stations (o SWS) noong 2019, 9 sa bawat 10 Pilipino ang nagsabing hindi tamang hayaan ang pagtatayo ng China ng mga imprastraktura sa ating karagatan. Noong 2020, 7 sa bawat 10 Pilipino ay naniniwalang dapat ipaglaban ng ating pamahalaan ang ating karapatan sa West Philippine Sea. At para sa 4 sa bawat 5 Pilipino, nararapat tayong makipag-alyansa sa iba pang mga bansa sa rehiyon upang ipagtanggol ang ating karagatan. Hindi ba’t ito ang istratehiyang matagal nang sinasabi ng mga eksperto ngunit tila ayaw gawin ng ating pangulo?
Kung ang turo ng ating Santa Iglesia ang pagbabatayan, sa halip na tumiklop sa China ay kinakailangang makipag-ugnayan ng ating bansa sa iba pang bansa upang manaig ang kabutihang panlahat o common good. Ito ang tila hindi nakikita ng ating pangulo. Sabi nga ni Saint Pope John XXIII sa Pacem in Terris, sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa isa’t isa at pakikipagnegosasyon, inaasahang magkakaroon ang mga bansa ng pagkilalang pag-ibig, hindi takot, ang nagbibigkis sa ating lahat. Ito ang nararapat na mamamayani sa pakikipag-ugnayan ng mga tao at mga bansa sa isa’t isa. Ito rin ang tinutungtungan ng payo ng mga eksperto sa pangulo at maging ng pulso ng nakararaming Pilipino.
Mga Kapanalig, sabi nga sa Mga Kawikaan 11:14, “Sa kakulangan ng tuntunin, ang bansa ay bumabagsak, ngunit sa payo ng nakararami, tagumpay ay tiyak.” Dahil tunay ngang seryosong usapin ang West Philippine Sea, sana ay hindi lamang ang sarili niya ang sundin ng pangulo. Pakinggan din niya sana ang payo ng mga eksperto at ang pulso ng bayan upang tunay na interes ng mamamayan ang manaig.