6 total views
Nanawagan si Archbishop Martin Jumoad ng Ozamis sa mga lider ng pamahalaan na itigil ang labis na pulitika at ituon ang kanilang atensyon sa paglilingkod sa taumbayan.
Sa panayam ng Radyo Veritas, hinimok niya ang mga opisyal na gampanan ang kanilang tungkulin nang may dignidad at integridad upang maabot ang tunay na pag-unlad ng bansa.
“Set aside politics. Let them focus on the office the people have elected them. Do not destroy the honor and integrity of others so that this nation will progress,” ayon kay Archbishop Jumoad sa ipinadalang mensahe sa Radyo Veritas.
Binigyang-diin ng arsobispo na ang yaman ng bansa ay nararapat gamitin para sa kapakanan ng mga mahihirap, nang walang hinihintay na kapalit o pansariling interes.
“Use the resources of our country to help the poor and when you help , it must have no string attached.”
Pinuna rin ng arsobispo ang tila labis na pagbibigay pansin ng Kongreso kay Vice President Sara Duterte.
“Why does Congress focus on Vice President Duterte? My presumption is good as yours,” pahayag ng arsobispo sa Radio Veritas
Nagpahayag din ang arsobispo ng pagkabahala sa direksyon ng ilang usaping pulitikal sa bansa.
Iginiit ni Jumoad na dapat igalang ng bawat-isa ang mandato ng mga halal na opisyal at ibuhos ang kanilang panahon at lakas sa pagtugon sa mga suliranin ng bayan, tulad ng kahirapan, kawalan ng trabaho, at iba pang pangunahing isyu.
Ang puna ng arsobispo ay kaungnay na rin sa tumataas na tensyon ng pulitika sa bansa.
Kamakailan lang ay nagbanta ang Bise Presidente laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First-lady Liza Marcos at Speaker Martin Romualdez.
Nag-ugat ang usapin sa iniimbestigahan ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang sinasabing iregularidad sa paggamit ng confidential at intelligence fund ng Office of the Vice President at ang Department of Education na noo’y nasa ilalim ng pangangasiwa ni Duterte.
Sa kabila ng paanyaya ng Kamara, hindi dumalo si Duterte, habang humarap naman sa komite ang chief of staff nitong si Atty. Zuleika Lopez.
Si Lopez ay pinatawan ng contemt ng komite at ikinulong sa detention facility sa Kamara na kasalukuyang ngayong nasa Veterans Memorial Medical Center.
Unang nagkaroon ng tensyon nang magtungo ang Bise Presidente sa Kamara at duon din nagpalipas ng gabi, bagama’t labag ito sa security protocol ng Mababang Kapulungan.