519 total views
Hinimok ni Ozamis Archbishop Martin Jumoad ang mamamayan maging ang mga namamahala sa pamahalaan na magkaisa sa pagtugon ng mga suliranin sa lipunan.
Ito ang pahayag ng arsobispo kaugnay sa pasaringan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo hinggil sa pagtugon ng mga sakuna sa bansa.
Panawagan din ni Archbishop Jumoad sa mga tagasuporta ng dalawang opisyal na iwasan ang pamumulitika sa gitna ng krisis sa halip ay magtulungan para sa higit nangangailangan.
“Let us set aside politics, our political affiliation and convictions; ang importante we have to unite and work together because we are all Filipino and those who are suffering are our brothers and sisters,” pahayag ni Archbishop Jumoad sa Radio Veritas.
Sa isinagawang press briefing ng pangulo, pinuna nito si Vice President Robredo na inakusahang nagpasimula sa #NasaanangPangulo sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Rolly at Ulysses na agad nag trending sa social media.
Bukod pa rito ang pahayag na walang ginawa si Robredo sa post-Typhoon Ulysses response ng gobyerno.
Pinabulaanan naman ng bise presidente ang mga akusasyon ng punong ehekutibo at iginiit na ginagawa lamang nito ang nararapat na tungkulin bilang pangalawa sa pinakamataas na opisyal ng bansa.
Paliwanag ni Archbishop Jumoad na hindi makatutulong ang sisihan sa halip ay dapat pagtuunan na lamang ng pansin ang mga hakbang na matulungan ang mga nasalanta ng bagyo.
“We have to stop blaming one another; well we have to recognize that there are lapses but then if you focus on the lapses then we cannot move on because we continue to blame one another,” dagdag pa ng arsobispo.
Ayon pa kay Archbishop Jumoad na kung magkakaisa ang bawat mamamayan at mga lider ng bansa mas higit na makikita ang pag-asa na makakaahon ang pamayanan mula sa mga kalamidad at krisis na naranasan.
Tiniyak naman ng simbahan ang patuloy na pakikiisa sa pagkalinga sa mga biktima ng magkakasunod na kalamidad sa bansa sa pangunguna ng mga social action centers ng bawat diyosesis.