430 total views
Hinihikayat ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang bawat mamamayan na baguhin na ang nakasanayang paraan ng pamumuhay upang makatulong sa pagpapanatili sa ating nag-iisang tahanan.
Sa inilabas na liham pahayag ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo, sinabi nito na ngayong muling ipinagdiriwang ang Season of Creation sa buong buwan ng Setyembre hanggang ika-10 ng Oktubre, nawa’y magampanan ng bawat isa ang pagiging katiwala na misyong ipinagkaloob ng Diyos upang pangalagaan at pakaingatan ang kalikasan.
“Inaalagaan natin ang kalikasan kasi nilikha tayo ng Diyos bilang mga tao na katiwala niya. Tayo ay mga katiwala ng Diyos, hindi lang ng ating kapaligiran kundi pati na ng ating buhay, ng ating panahon, ng ating pananampalataya, ng ating mga talent, at ng mga materyal na ari-arian,” pahayag ni Bishop Pabillo.
Giit ni Bishop Pabillo na siyang chairman-elect ng CBCP-Episcopal Office on Stewardship na ang kalikasan ay hindi pag-aari ng sinuman at hindi rin dapat basta-basta na lamang sirain para sa pansariling kapakanan.
Sa halip ayon sa obispo, ito ay dapat pang pagyamanin at ibahagi sa kapwa upang mas mapangalagaan at mapanatili nang wasto.
“Kaya huwag nating sirain ang ipinagkatiwala sa atin. Sa halip, ito ay palaguin at ibahagi natin sa iba… Ang biyaya ng Diyos ay hindi lang para sa iilan, kundi para sa lahat. Kaya ang mas biniyayaan ay may tungkulin na gamitin ang mga biyaya na mapapakinabangan ng mas lalong nakakarami,” ayon sa opisyal ng CBCP.
Maliban sa paggunita sa panahon ng paglikha, ang Setyembre ay inilaan din ng simbahan bilang Stewardship month upang magsilbing paalala sa bawat mananampalataya sa pagiging mga katiwala ng Diyos.
Hinihimok ni Bishop Pabillo ang bawat isa na maglaan ng panahon upang masuklian ang mga biyayang ipinagkakaloob ng Diyos sa bawat tao sa pamamagitan ng pananalangin, pakikibahagi at pagbibigay ng tulong sa mga higit na nangangailangan.
“Ibigay din natin sa Kanya ang bahagi Niya at mas lalo pa niya tayong bibiyayaan… Huwag tayong manghihinayang na maglaan ng panahon para magdasal. Maging matulungin tayo sa paglahok sa mga ministries ng ating simbahan. Mas maging mapagbigay tayo sa mga pangangailangan ng simbahan at ng mahihirap. Mararanasan natin na hindi natin matatalo ang Diyos sa kagandahang-loob,” saad ni Bishop Pabillo.