215 total views
Nakasalalay sa mahigit isandaang libong kapulisan ang pagpapatupad ng mga batas laban sa mga pang–aabuso sa mga menor de edad na ginagamit ng kanilang magulang sa “live performing sex online.”
Ayon kay Kabataan Partylist Rep. Terry Ridon, ilan sa mga dapat bigyan prayoridad ng bagong pamunuan maliban sa pagsugpo sa droga at kriminalidad ay ang pagtugis rin sa mga magulang na ginagawang kalakal mga anak sa live-stream sexual abuse.
“Bahagi diyan yung cybercrime prevention law kasama rin po diyan ‘yung mga anti–child abuse na mga batas na dapat mapag–aralan ng kapulisan kung paano maipapatupad sa atin bansa,” giit pa ni Rodon sa Radio Veritas.
Paliwanang pa ni Ridon na napakaraming batas na nagbibigay proteksyon sa mga bata ngunit nagkukulang naman ang pamahalaan sa implementasyon at istriktong pagpapatupad nito.
Nauna na rito ay hinimok ng UNICEF o United Nations Children’s Emergency Fund ang mga internet providers sa bansa na talakayin ang lumalalang “child slavery” sa bansa matapos na manguna ang bansa sa buong mundo na pinagmumulan ng child pornography.
Sa ulat mismo ng UNICEF Philippines nasa 7,000 cybercrime reports kada buwan ang kanilang natatanggap at kalahati sa mga ito ay may kinakalaman sa child sex abuse na may edad anim na taong gulang pataas.
Patuloy naman ang Tulay ng Kabataan Foundation isang grupo ng mga pari at layko na kumakalinga sa mga halos 10, 000 kabataang batang kalye na bansa na biktima ng pang–aabuso.