338 total views
Nananawagan ang social arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na pagtuunan ng pansin ang mga kapus-palad na nangangailangan ng tulong.
Ayon kay CBCP-National Secretariat for Social Action/Caritas Philippines National Director Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, karamihan sa mga Filipino ang nangangailangan ng tulong at suporta na higit na naapektuhan ng umiiral na pandemya.
“Sana ay huwag nating makalimutan [na] marami sa ating mga kababayan ay nangangailangan ng ating tulong at tayong mga pinagpala ay may pananagutan para sa kanila,” bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo.
Iginiit ng Obispo na ang pagtulong at pagbibigay ay hindi obligasyon at sapilitan kun’di ito’y dapat bukal sa puso na may pang-unawa at pagmamahal sa kapwa.
Ipinaliwanag ni Bishop Bagaforo na katulad ng pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan ay nawa’y maipadama at maipaabot natin sa kapwa ang pagmamahal at pagmamalasakit na kanilang lubos na kailangan sa gitna ng mga suliraning nararanasan ngayon.
“Let us also share the gifts and the graces that we have received from God and I am sure [na] doble at mas marami pang babalik na biyaya ang ating matatanggap,” ayon sa Obispo.
Hinimok naman ng opisyal ang mananampalataya na patuloy na suportahan ang mga proyekto at programa ng Caritas Philippines sa pagtulong sa mga mahihirap at biktima ng iba’t ibang kalamidad.