422 total views
Hinimok ni Cotabato Archbishop Emeritus Orlando Cardinal Quevedo ang mananampalataya na patuloy ibahagi ang biyaya ng pananampalatayang tinanggap.
Ito ang mensahe ng Cardinal sa pagdiriwang ng 500 Years of Christianity in the Philippines na ginanap sa Cebu City. Sinabi ng Kardinal na ang paggunita sa ikalimang sentenaryo ay pagsisimula ng panibagong paglalakbay upang tuparin ang misyon ni Hesus.
“Rejoice in the gift and share that gift. This is not the end of the 500 years of Christianity. In fact, the beginning or the launching of the 500th year of faith. And launching would not mean anything if in our lives we don’t say ‘thank you, Lord’ and not until we share that gift,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Quevedo.
Ayon sa Kardinal, mahalagang payabungin pa hanggang sa mga susunod pang henerasyon ang biyaya ng pananampalataya na tinanggap ng mga ninuno 500 taon ang nakalipas.
Nagagalak ang Kardinal sa patuloy na pagpapahayag ng mga Pilipino sa kristiyanismo hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang mga bansa sa buong daigdig. Una nang kinilala ng Kanyang Kabanalan Francisco ang mga Filipino migrants bilang misyonero. Sang-ayon din si Cardinal Quevedo sa malaking responsibilidad na ginagampanan ng mga Overseas Filipino Workers na katuwang sa misyon ng simbahan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita.
“OFWs don’t go out on the streets to proclaim the word of God. They do so not by words but by example of a faithful Christian life,” ani ng Cardinal. Sa paggunita sa unang binyag na inihasik ng mga misyonerong espanyol noong 1521 halos 500 indibidwal sa Arkidiyosesis ng Cebu ang tumanggap ng mga sakramento ng simbahan na nagpapatunay sa pagiging bahagi ng sambayanan ng Diyos.
Bukod pa rito ang pinalawak na mass baptism sa iba’t ibang diyosesis sa bansa sa pagdiriwang ng 500 Years of Christianity. Pinangunahan naman ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ang selebrasyon noong Abril 14 sa Plaza Sugbo sa paligid ng Basilica Minore del Santo Nino de Cebu at Magellan’s Cross. Dumalo rin sa pagtitipon ang ilang obispo ng simbahang katolika at mga pari mula sa karatig lalawigan ng Cebu.