255 total views
Ito ang binigyang diin ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. kaugnay sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoong Hesus.
Ipinaliwanag ng Obispo na makabuluhan ang pag-akyat ni Hesus sa langit sa tahanan ng Diyos Ama sapagkat ito ang nagsisilbing tagapamagitan ng sangkatauhan sa Diyos.
“Dapat labis-labis nating ikatuwa ito sapagkat Siya’y umakyat sa langit upang mamagitan; always living to make intercessions for us sa harap ng Diyos Ama,” pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas.
Iginiit ni Bishop Bacani na dinidinig ng Diyos Ama ang pagsusumamo ni Hesus kung saan dinadala ang mga panalangin ng sangkatauhan at mabigyan ng katugunan ang bawat hinihiling ng tao.
Nasasaad sa Lucas kabanata 24 talata 50 hanggang 51, inilarawan dito ang pagbabasbas ni Hesus sa kanyang mga alagad kasabay ng unti-unting pag-akyat Niya sa langit habang napuspos ng Banal na Espiritu ang mga alagad nang magbalik sa Herusalem.
Binigyang diin ni Bishop Bacani na sa pag-akyat ni Hesus sa kaharian ng langit at pagluluklok sa kanan ng Ama ay katuparan sa Kanyang pangako na paghahari sa sanlibutan.
“Ikalawa ang ating Panginoon ay umakyat sa langit upang sa ganun ay maghari siya sa buong santinakpan; namatay at muling binuhay ayon sa sulat ni San Pablo sa mga taga Roma upang maging Panginoon ng mga patay at mga buhay,” ani ni Bishop Bacani.
Dahil dito, hinikayat ng Obispo ang 86 na milyong Katoliko sa Pilipinas na makiisa sa pagdiriwang ng Simbahan sa Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ni Hesus sa Langit sa pamamagitan ng pagdalo ng Banal na Misa sa ika- 2 ng Hunyo.(Norman Dequia)