427 total views
Inihayag ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo na ang adbiyento ay panahon ng paghahanda sa pagdating ng Manunubos.
Ipinaliwanag ng obispo na hindi pasko ang pinaghahandaan sa adbiyento kundi si Hesus ang anak ng Diyos na nagkatawang tao para tubusin ang sangkatauhan sa kasalanan.
Kasabay nito ang panawagan ni Bishop Pabillo sa mamamayan na magbago tungo sa kabutihan sapagkat ang pagdating ni Hesus ay upang bigyang katwiran at katarungan ang mamamayan.
“Ang adbiento ay hindi lang panahon na pag-aabang sa pasko. Ito ay panahon ng pag-aabang sa muling pagdating ni Jesus; Darating siya muli sa anyo ng isang hari at hukom na dakila at matagumpay. Itutuwid niya ang lahat – paparusahan ang masasama at gagantimpalaan ang mabubuti,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo.
Batid ng obispo ang iba’t ibang uri ng suliranin na kinakaharap ng bansa na nagsasadlak sa kasalanan, kawalang katarungan at hindi pagkakapantay pantay sa lipunan.
Tinuran ni Bishop Pabillo ang malalaking katiwalian tulad ng kinasangkutan ng Pharmally scandal at Malampaya deals, ang pambibintang sa mga tumututol sa pamahalaan, red-tagging at ang extra-judicial killings.
Dahil dito hinikayat ni Bishop Pabillo ang mananampalataya na patuloy manindigang tumahak sa landas ng katarungan alinsunod sa mga tuntunin ng Panginoon.
“Kung ang inaantay natin ay ang Panginoon ng Katarungan, lumalakad na tayo ngayon sa landas ng katarungan. Kaya ang mga liko-likong daan ay ituwid na, i-expose na ang mga kasinungalingan at pandaraya,” giit ni Bishop Pabillo.
November 28 nang pormal na buksan ng simbahan ang bagong liturhikong taon sa unang linggo ng adbiyento bago ang kapanganakan ni Hesus.
Hinikayat ng punong pastol ng Taytay Palawan ang bawat mananampalataya na buong pusong tanggapin at buong kagalakang hintayin ang pagdating ng Manunubos na maghahatid ng pag-asa sa sanlibutan