2,787 total views
Nanawagan ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) partikular sa mga kabataan na tularan ang Diyos sa paghayo at pagmimisyon sa mga nangangailangan.
Ito ang mensahe ni Daet Bishop Rex Andrew Alarcon – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Youth sa makabuluhang paggunita ng Pasko ng Pagsilang ni Hesus.
Ayon sa Obispo, dapat na labanan ng bawat isa ang pagiging ‘absorbed’ sa sarili at gawing huwaran ang Diyos na nagkatawang tao upang mamuhay kasama ang mga aba.
“Patuloy nating labanan ang maging ‘absorbed’ sa sarili. Kundi, lumabas tayo sa ating mga sarili at hanapin ang kapwa, tulad ng Diyos na ‘lumabas sa kanyang pagka-Diyos’ upang makipamuhay sa atin. Kaya siya ay Emmanuel, ang Diyos ay nasa atin. Isang maligayang pasko at manigong bagong taon sainyong lahat, lalo na sa ating mga kabataan. Muli tayong bumangon at humayo patungo sa bagong pagmimisyon!”pahayag ni Bishop Alarcon sa Radio Veritas.
Ibinahagi ng Obispo na hindi dapat makalimutan ng bawat isa na ang kapanganakan ng Panginoong Hesus na siyang nagdala ng liwanag, pag-asa at pag-ibig sa sanlibutan ang pinakamagandang regalo na matatanggap sa pasko.
Ipinaliwanag ni Bishop Alarcon na dapat maunawaan ng lahat na mayroong regalong hindi materyal na higit na mahalaga tulad ng kapatawaran, pagtulong sa mga nangangailangan at pagdalaw sa mga nag-iisa at nalulumbay.
“Sana huwag natin makaligtaan o makalimutan na ang pinakamagandang regalo sa Pasko ay ang Panginoong Jesus na nagdadala sa atin ng liwanag, pag-asa at pag-ibig. Maaring may tatanggapin o ibibigay tayong mga regalo, mayroon din mga regalong hindi nababalot subalit mahalaga kaysa iba, tulad ng pagpatawad, pagtulong sa mga nangangailangan, pagdalaw sa mga nag-iisa, at iba pa. Sa Pasko ang Salita ay nagkatawang-tao. Ang ating pag-ibig nawa ay maging konkreto din, hindi lamang nauuwi sa pangako, kundi nagkakaroon ng katuparan.” Dagdag pa ni Bishop Alarcon.
Umaasa ang Obispo na sa pagsapit ng Pasko ng Pagsilang ni Hesus ay handa na ang puso ng bawat isa upang tanggapin si Hesus na katuparan ng pagmamahal at pangakong kaligtasan ng Panginoon para sa lahat.