23,296 total views
Inihayag ni Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) founding chairperson at former Ambassador Henrietta de Villa na si Hesus ang tunay na pundasyon at kampeon ng organisasyon.
Ito ang pahayag ni De Villa sa paggunita ng PPCRV sa ika-33 anibersaryo ng pagkakatatag ng organisasyon bilang pangunahing tagapagbantay ng Simbahang Katolika sa pagkakaroon ng isang maayos at tapat na eleksyon sa Pilipinas.
Ayon kay De Villa, mula ng kanyang itatag ang PPCRV sa ilalim ng gabay ng noo’y Arsobispo ng Maynila Jaime Cardinal Sin ay nananatili ang mandato ng organisasyon na isulong ang pagkakaroon ng C.H.A.M.P election sa bansa na nangangahulugan ng Clean, Honest, Accurate, Meaningful, Peaceful Elections.
Sa kabila nito, nilinaw ni De Villa na tanging si Hesus ang nagsisilbing tunay na pundasyon at gabay sa pagsasakatuparan ng mandato ng PPCRV sa pamamagitan ng iba’t ibang mga gawain at inisyatibo nito tulad ng pagkakaloob ng voters education, pagbabantay sa kabuuang proseso ng halalan, at pagsasagawa ng unofficial parallel count sa resulta ng eleksyon.
“Ang PPCRV naman ay noon pang 1991 with the direction of Cardinal Sin and the inspiration of Haydee Yorac (Former Commissioner on Elections of the Philippines) ay inorganize ko ang PPCRV – Parish Pastoral Council for Responsible Voting from then up to now talaga namang sumusunod sa tawag ng Panginoon that we try our best to proclaim C.H.A.M.P Election – Clean, Honest, Accurate, Meaningful, Peaceful Elections pero ang foundation nito ang CHAMP ng PPCRV is Christ kasi si Christ nandyan kasama natin for voters education, for monitoring the conduct of election, for the unofficial parallel count talagang we will know na tutulungan niya tayo kasi siya yung yesterday, today and forever through justice, love and peace.” Bahagi ng pahayag ni De Villa sa Radio Veritas.
Ipinapanalangin naman ni De Villa na tuluyang mabuksan ang kamalayan ng mga botante sa kahalagahan ng responsableng pagpili ng mga karapat-dapat na ihalal upang mangasiwa at pamunuan ang bansa.
Sinabi ni De Villa na napapanahon ng magkaroon ng tunay na pananagutan ang mga botante hindi lamang sa bayan at sa kapwa mamamayan kundi maging sa Panginoon at sa susunod pang henerasyon sapagkat nakabatay sa resulta ng halalan ang pamamahala sa bansa ng mga halal na opisyal.
“Lagi din akong nagdadasal at patuloy ang lahat ng PPCRV na nagdadasal na Christ will never leave us at finally, finally, finally ang ating mga botante magkaroon na ng wisyo, magkaroon na ng to vote responsibly, to vote wisely, for themselves, and for the future and for the country and for love of God, yun lagi ang panalangin ko at din ang aking katuwaan at hangarin sa aming gaganaping anibersaryo.” Dagdag pa ni De Villa.
Matatandaang ika-19 ng Oktubre taong 1991 ng opisyal na ilunsad ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV bilang isang independent, non-profit at non-partisan organization matapos na manawagan ang mga Obispo sa isinagawang Second Plenary Council of the Philippines sa pagpapatupad ng reporma sa halalan sa bansa.
Dahil dito nabuo ang PPCRV na layunin maging pangunahing tagapagbantay ng Simbahang Katolika sa pagkakaroon ng isang maayos at tapat na eleksyon sa Pilipinas kung saan sa kasalukuyan ay umaabot na sa 700-libo ang volunteers nito mula sa iba’t ibang diyosesis sa buong bansa.