256 total views
Sino ang susundan mong Hari- si Kristo na puspos ng tiwala sa kapangyarihan ng Diyos Ama o ang mga hari ng kasalukuyang panahon na ang kapangyarihan ay sa pamamagitan bg paggamit ng dahas at armas?
Ito ang iniwang hamon ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa pagdiwang ng ‘Linggo ng Palaspas’ o Palm Sunday na ginanap sa Manila Cathedral Basilica of the Immaculate Concepcion.
“Tayo po ay tinatanong, tatanggapin mo ba ang Hari na katulad ni Hesus? Susundan ba natin Siya? Siya na ganiyang uri ng hari. Sa mundo natin ngayon namamayagpag ang mga haring puno ng kayabangan kapos sa kapagkumbabaan. Sa panahon natin ngayon kaydamiraming sumusunod sa mga hari na ang ginagamit ay dahas, armas, pananakot. Kapos na kapos sa pang-unawa at pakiisa sa mga mahihina,” bahagi ng homiliya ni Cardinal Tagle.
Ayon kay Cardinal Tagle nawa ay muling kilalanin at tuklasin ang pagiging Diyos ni Kristo kasabay ng paggunita ng sambayanang katoliko sa misteryo ng Semana Santa.
“The serene dignity and silenced of the person who trust in God and who is in full solidarity with sinful humanity that is true authority. That is our true King. That is the King that will save the world,” ayon pa kay Cardinal Tagle.
Sa kaniyang homiliya, binigyan diin ni Cardinal Tagle kung paano nagbunyi at tinanggap ng tao ang pagdating ni Hesus sa Jerusalem sa lugar kung saan Siya rin ay nilibak, kinutya, pinahirapan at ipinako sa Krus na tila isang kriminal.
Giit pa ni Cardinal Tagle na sa paningin ng mundo si Hesus ay isang hari na walang lakas at kapangyarihan.
“…ang Kaniyang lakas, kapangyarihan ay galing sa tiwala sa Diyos. Ang hari natin hindi nagtitiwala sa dahas, hindi nagtitiwala sa armas, hindi nagtitiwala sa tabak, hindi nagtitiwala sa bala’t baril. Nagtitiwala ang hari natin sa Diyos at basta’t ako’y inosente sa mata ng Diyos wala na akong hahanapin pa. Sa Diyos ang lakas, sa Diyos ang kapangyarihan Niya,” ayon kay Cardinal Tagle.
Umaasa si Cardinal Tagle na sa buong panahon ng Semana Santa ay matuklasan ng bawat isa ang dahilan ng pagpapakasakit ni Hesus para tubusin mula sa kasalanan ang sanlibutan sa pamamagitan ng pagbayubay sa Krus hanggang sa kaniyang kamatayan.
Ang Palm Sunday ay ang ika-anim at huling linggo ng Kwaresma na siyang hudyat ng pagsisimula ng Semana Santa.
Ito ay isang taunang tradisyon ng simbahan nang paggunita ng maringal at mabunying pagdating ni Hesus sa Herusalem sakay ng asno at ang pagsalubong ng taong bayan sa pamamagitan ng pagsasabog ng mga dahon at puting tela sa kaniyang daraanan.
Ang pagwawagayway ng dahon ng olibo at puting tela ay sumisimbolo ng kapayapaan habang ang asno naman ay palatandaan ng pagpapakumbaba.
Ginugunita rin ng Simbahang Katoliko ang dalawang mahahalagang bagay sa liturhiya: Ang maringal at matagumpay na pagpasok ni Hesukristo sa Jerusalem bilang Hari; at ang ikalawa ay ang banal na Pagpapakasakit ng Panginoon bilang Martir.
Itinalaga naman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang araw na ito ng Palm Sunday bilang taunang ‘Alay Kapwa Sunday’ isang fund raising activity na siyang ginagamit ng simbahan sa social services sa mga mahihirap lalu na sa panahon ng kalamidad.
Ito ay sa pamamagitan ng second collection sa bawat simbahan na itatalaga para sa pagtulong sa kapwa.
“During this season, we are especially called upon to exercise charity in our dealings with our neighbor – that is to say, to have a genuine concern for those who are needy and who suffer, and to perform concrete good works. Charity, after all, is the very heart of Christian life,” ayon sa naunang pastoral letter na inilabas ni Cardinal Tagle.
Araw ng Lunes March 26, 2018 magsasagwa naman ng Radio Veritas ng Alay Kapwa Telethon simula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi kung saan hinihikayat ang Kapanalig community na magbahagi ng tulong para sa Caritas Damayan – o ang programa ng Caritas Manila sa disaster prevention at emergency assistance lalu na sa panahon ng kalamidad sa bansa.
Noong 2017 Alay Kapwa Telethon may 15,000 pamilya sa buong bansa ang nakinabang sa emergency relief assistance sa partikular na sa mga biktima ng lindol sa Surigao, bagyong Urduja at Vinta maging ang mga biktima ng digmaan sa Marawi City.