305 total views
Inihayag ni Balanga Bishop Ruperto Santos na mapagtatagumpayan ng tao ang bawat hamong kinakaharap sa araw-araw na pamumuhay sa tulong ng Panginoon.
Sa pagninilay ng obispo sa unang Linggo ng Kuwaresma binigyang diin nito na tanging ang Diyos lamang ang makapagbibigay ng pangangailangan ng tao.
“God is our reward, God is the only answer to our needs ang He is our only salvation,” pagninilay ni Bishop Santos.
Binigyang pansin ng obispo ang pagkahumaling ng tao sa makamundong mga bagay na isang malaking tuksong kinakaharap ng mga tao sa kasalukuyan.
Sa ebanghelyo ni San Mateo kabanata apat talata isa hanggang labing-isa tinukso ng diyablo si Hesus sa materyal na mga bagay upang pasasailalim sa kanyang kapangyarihan subalit napagtagumpayan ito ni Hesus kaya’t sinabi ni Bishop Santos na kaya rin ng taong pagtagumpayan ang bawat tukso ng buhay.
“Temptation is reality in our life. Jesus was tempted, so we are. His temptations are also now our present temptations. Jesus overcame all those temptations and so we can surpass and emerge victorious over temptations,” saad ni Bishop Santos.
Ayon pa kay Bishop Santos na alalahanin lamang ang kagandahang loob ng Diyos upang mapagtagumpayan ang tukso ng pagkakamal ng mga materyal na bagay; alalahanin din na ang lahat ng bagay ay may katapusan subalit ang Diyos ay nananatili at magbibigay ng walang hanggang kagalakan at katiyakan ng bawat isa.
Dagdag pa ng obispo, tinitingnan ng Panginoon ang kalooban ng tao at hindi ang katayuan sa buhay.
“Remember God is not after our titles and honours. He looks for purity of our hearts and sincerity of our actions.”
Miyerkules de Abo nang magsimula ang 40-araw na paghahanda sa muling pagkabuhay ni Hesus; tanda ng pagkalupig ng kasalanan at matagumpay na pagtawid ni Hesus mula sa kadiliman hanggang sa liwanag ng buhay na walang hanggan. (Norman Dequia)