390 total views
Ito ang ibinahagi ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa paggunita ng Year of St. Joseph at pagtatalaga ng bansa sa pangangalaga ni San Jose.
Ayon sa Obispo na siya rin chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, ipinagkatiwala ng Diyos si Hesus at ang Mahal na Birheng Maria kay San Jose na isang taong matuwid at matapat ang pananampalataya sa kanya.
Ipinaliwanag ni Bishop Pabillo na bukod sa pagbibigay ng nararapat na pagsamba at pagtugon sa utos ng Panginoon, ang taong matuwid rin ay tapat sa tungkulin na iniatang sa kanya ng Diyos kabilang na ang pagiging daluyan ng biyaya para sa kapwa sa pamamagitan ng pagtulong at pagkalinga sa mga nangangailangan.
Ibinahagi ng Obispo na kaakibat rin ng pagiging matuwid ang pagbibigay halaga sa karapatan at dignidad ng kapwa gayundin ang naaangkop na pangangalaga at pangangasiwa sa kalikasan na ipinagkaloob ng Panginoon sa sanlibutan.
“Sa kanya [kay San Jose] ipinagkatiwala ng Diyos ang dalawang taong pinakamamahal niya – si Jesus at si Maria. Pinagkatiwala sila sa isang taong matuwid. Ang taong matuwid ay tapat sa tungkulin na ibigay sa iba ang nararapat sa kanila. Ibigay sa Diyos ang nararapat sa kanya – ang pagsamba at pagsunod. Ibigay sa nangangailangan ang nararapat sa kanila – ang pagtulong at pagkalinga. Ibigay sa kapwa ang nararapat sa kanya – paggalang ng kanyang karapatan bilang tao kaya may human rights. Ibigay sa kalikasan ang nararapat – pag-aalaga at pangangasiwa.” pahayag ni Bishop Broderick Pabillo.
Binigyang diin rin ni Bishop Pabillo na kongkreto ang pag-ibig na hinihingi ng Panginoon sa bawat isa tulad ng pagtulong sa mga nangangailangan na halimbawa ng mga community pantries sa bansa.
Iginiit ng Obispo na sa kabila ng mga walang basehang paratang at pagbansag na komunista ay hindi dapat na matakot at panghinaan ng loob ang sinuman na tumulong sa mga nangangailangan.
“Konkreto po ang pag-ibig na hinihingi sa atin. Ipagpatuloy nating tulungan ang nangangailangan kahit na tayo ay binabansagan na komunista. Mas mahalaga ang kapwa kaysa mga puna ng mga walang ginagawa.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Pinangunahan ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President, Davao Archbishop Romulo Valles ang National Consecration to St. Joseph kasabay ng Kapistahan ni San Jose Manggagawa.
Ang pagtatalaga ng bansa sa pangangalaga ni San Jose ay kasabay ng pagdiriwang ng Year of St. Joseph na idineklara ni Pope Francis noong Disyembre 8, 2020 at magtatagal hanggang sa Disyembre 8, 2021.