6,845 total views
Inaanyayahan ng Caritas Manila ang mga mamamayan na makiisa sa idaraos na ‘Siklo Eco-Expo’ sa Plaza De Roma Intramuros, Manila na magsisimula sa October 18.
Tampok sa Siklo Eco-Expo ang mga pre-loved items, makakalikasang produkto at iba pang sustainable na mga serbisyo at produkto na maaring mabili sa expo.
Ang expo ay sa pakikipagtulungan ng Caritas Manila sa Intramuros Administration at Ecowaste Coalition upang matipon ang mga negosyanteng nakatuon ang negosyo tungo sa sama-samang pag-unlad at higit na ang pangangalaga sa kalikasan.
“Tampok dito ang iba’t-ibang eco-friendly stores na may samu’t-saring sustainable products and services!,” ayon sa mensahe ng Ecowaste Coalition.
Tampok sa Eco-expo ang mga Segunada Mana Outlets, Caritas Margins, Binalot, Mother Earth Foundation PH, Back to Basics Ecostore, Bambike Ecotours, at iba pang mga negosyong makakalikasan.
Ayon pa sa Caritas Manila, ilalaan ang kikitain ng nakatalagang Segunda Mana Store sa Eco-expo sa mga scholar sa ilalim ng Programang Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) na may limang libong college scholars sa iba’t ibang bahagi ng bansa kada taon.
“Magkakaroon din ng thrifting for a cause sa tulong ng Segunda Mana ng Caritas Manila! Upon entry, pwede kang mag-donate ng iyong mga pre-loved items, at ang proceeds mula sa pagbebenta ng mga ito ay mapupunta sa pag-aaral ng mga estudyanteng nangangailangan,” bahagi pa ng mensahe ng Ecowaste Coalition.
Kahanay din ang Siklo Eco-expo sa mga adbokasiya ng Economy of Francesco Foundation na itinatag noong 2019 upang isulong ang bagong sistema sa ekonomiya na hindi isinasantabi ang mga pinakanangangailangan tungo sa pag-unlad kasabay ng pangangalaga sa kalikasan.