179 total views
Kapanalig, huling taon na ito ng kasalukuyang administrasyon. Kaya naman, hindi mapipigilan ang pagbabalik-tanaw ng maraming Filipino sa mga pangakong binitiwan ng pangulo sa bayan. Marami ang umaasa na mas maraming pangako ang matutupad lalo pa’t ilang buwan na lamang at eleksyon na.
Isa na rito ay ang mga naiiwan pang mga proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build Program ng gobyerno.
Ang Build Build Build ay ang flagship program ng pamahalaan na binubuo ng mga libo-libong mga infrastructure projects sa buong bansa, gaya ng mga kalye at highways, farm-to-market roads, airports, seaports, terminals, evacuation centres, lighthouses, mga hospitals, paaralan at iba pa. Ang budget para dito ay ang pinakamalaking budget para sa imprastraktura ng bansa.
Ang ganitong programa ay isang mainam na paraan upang mapa-bilis ang ating pag-unlad. Ayon nga sa Asian Development Bank, ang pagtutulay o pagdidikit ng siwang ng imprastruktura sa ating bansa ay isa sa mga susi sa recovery ng ating bayan. Kailangang-kailangan na ito ng ating bansa, kahit pa man bago pa magpademya. Ayon sa isang pag-aaral mula sa International Monetary Fund, outdated na at kulang na rin ang marami sa ating mga imprastruktura. Makikita naman natin ito sa mga lansangan nating nag-uumapaw sa sasakyan o di kaya sa mga lumang pantalan.
Kaya nga umaasa tayo na magiging matagumpay ang Build, Build, Build. Sa gitna ng mga EJKs, korapsyon, at pandemya, ang tagumpay ng programang ito ay isa sanang silver lining sa madilim na bahagi ng ating kasaysayan. Pag natapos kasi ang mga proyektong ito, malaking benepisyo ang mararamdaman ng mga ordinaryong mamayan. Kaya lamang, sa ngayon, tila moving o gumagalaw lagi ang targets ng Build, Build, Build. Ayon sa opisyal na datos, pitong flagship projects na ang kumpleto, at ayon sa bagong listahan, may 112 na nakalinyang infrastructure flagship projects. Apat dito ay tapos na, 29 ang matatapos ngayong 2021 at 2022. Ang natitira ay matatapos mula sa taong 2023.
Pangarap natin ang magkaroon ng makabuluhang imprastruktura para sa lahat, kaya ang mga proyektong tulad nito ay hindi lamang dapat sinusuportahan, kundi binabantayan rin. Kailangan natin isiguro na ang estado, ayon nga sa Evangelii Gaudium, ay tunay na sinusulong ang kabutihan ng lahat. Malaki ang budget ng Build, Build, Build – budget na mula sa buwis ng tao. Ang tagumpay ng programang ito ay nangangahuluhan na kahit man lang sa isang aspeto ng pamamahala, may ganansyang matatanggap ang nakakarami sa ilalim ng rehimeng ito. Kaya’t sana, bago pa matapos ang kanilang termino, marami pang mga imprastraktura ang matapos nito.