697 total views
Kinilala ng Philippine National Police ang paglagda at pagsasabatas ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Subscriber Identity Module o SIM Card Registration Act.
Naniniwala si PNP Chief, Police Lt. General Rodolfo Azurin, Jr. na mapipigilan ng SIM Card Registration Law ang laganap na telecommunications at cyberspace crimes.
“Telecommunication has been revolutionized extensively over the years such that even criminal syndicates and terrorist organizations have taken advantage of technology for criminal and terrorist activities,” pahayag ni Azurin.
Batay sa ulat ng PNP-Anti-Cybercrime Group, umabot sa kabuuang bilang na 4,254 ang naitalang SIM card related offenses mula Enero hanggang Setyembre 2022.
Hindi pa kabilang rito ang mga kasong nahawakan ng ibang pangkat ng PNP, government institution, mga naiulat na insidente mula sa mga financial institution, at mga hindi naiulat na kaso ng mga biktima.
Tiwala naman ang PNP na tatanggapin ng mamamayan ang magandang hangarin ng SIM Card Registration Law kabilang na ang usapin ng data privacy.
Matatandaang una nang isinulong ang SIM Card Registration Act noong 18th Congress ngunit na-veto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ilalim ng panukala, ang mga bago at kasalukuyang SIM card ay kinakailangan nang mairehistro ng Public Telecommunication Entity (PTE) sa loob ng 180 araw makaraang maipatupad ang batas.