1,343 total views
Mga Kapanalig, pinirmahan noong nakaraang Lunes ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr ang unang batas sa ilalim ng kanyang administrasyon—ang Republic Act No. 11934 o ang Subscriber Identity Module (o SIM) Card Registration Act.
Na-veto na ang nasabing batas ni dating Pangulong Duterte dahil, sa maniwala kayo o hindi, maaari daw nitong ilagay sa alanganin ang karapatang pantao ng mga Pilipino. Katwiran pa ng dating presidente, lalabagin daw ng mandatory SIM card registration at pagpaparehistro ng social media accounts ang malayang pamamahayag (o free speech) at ang data privacy ng mga tao dahil mapipilitan silang gamitin ang kanilang tunay na pangalan.
Sa ilalim ng bagong batas, ang mga telco companies ay dapat makuha ang identification ng mga bibili ng SIM cards. Ang mga mayroon naman nang SIM card ay dapat irehistro ito sa loob ng itinakdang panahon. Kapag may subpoena o utos ang korte sa mga telcos, kailangan nilang ibigay ang lahat ng detalye ng nagmamay-ari ng isang SIM card. Parurusahan naman ang mga magpaparehistro ng kanilang SIM card gamit ang pekeng impormasyon, ibang pagkakakilanlan, o dinayang mga dokumento. Inalis na sa batas ang probisyong nire-require ang mandatory registration ng mga social media accounts.
Layunin ng batas na masawata ang panloloko o fraud na hindi maitatangging laganap at maraming nabibiktima ngayon. Nitong mga nakalipas na buwan lamang, marami sa atin ang nakatanggap ng mga spam messages o texts mula sa mga taong hindi natin kakilala. Para sa mga nagsulong ng SIM Card Registration Act, kabilang ang mga telcos at bangko, malaking hakbang ang batas upang matukoy ang mga nasa likod ng panloloko gamit ang cellphone.
Ngunit sa bilis ng pagbabago sa teknolohiya, tiyak na makakahanap ng paraan ang mga masasamang-loob upang makapanloko. At kapag nakalipat na sila sa ibang paraan, pangamba ng mga eksperto, ang ating datos ay nasa kamay na ng pamahalaan. Magastos itong i-maintain at maaari ding nakawin ng mga hackers at iba pang nais gamitin ang datos na ito sa masamang gawain.
Ang ganitong pangamba ay nagmumula marahil sa kawalan natin ng tiwala sa gobyerno—hindi lamang sa mga pulitikong may mga pansariling interes na gustong unahin, kundi sa sistemang hindi maayos na pinatatakbo sa simula pa lamang. Ano ang garantiya nating mapangangalagaan ng pamahalaan ang ating datos kung simpleng national ID lamang ay buwan o taon ang bibilangin upang mapasakamay ng nag-apply nito? Ano ang proteksyon ng mga taong nais ibulgar ang mga nalalaman nilang mali at baluktot sa pamahalaan kung hawak nito ang datos ng sinuman at kaya nitong tuntunin ang mga pumupuna o may sensitibong impormasyon? Hindi kaya nito paliliitin ang espasyo kung saan malaya nating naibabahagi ang ating mga saloobin lalo na’t walang patumpik-tumpik ang marami sa red-tagging o malisyosong pag-uugnay sa mga kritiko sa mga itinuturing na teroristang grupo?
Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, sinasabing ang gobyerno ay may positive moral function. Kasangkapan ito upang maitaguyod ang dignidad ng mga mamamayan, mapangalagaan ang kanilang mga karapatan, at maisulong ang kabutihang panlahat o common good. Ngunit mahalagang pinagkakatiwalaan ang pamahalaan ng taumbayan, hindi dahil takót sila sa gobyerno kundi dahil nakataya rito ang kanilang kapakanan. Sa isyu tungkol sa SIM Card Registration Act, marami tayong nakikitang dahilan kung bakit hindi nagtitiwala ang marami sa gobyerno at kung bakit tila mas matimbang ang mga panganib kaysa sa mga benepisyong dala nito.
Mga Kapanalig, ipinahihiwatig nga sa Roma 13:4-6 na ang mga pinuno natin ay kasangkapan ng Diyos upang umiral ang katarungan sa ating lipunan. Sa mga batas na isinusulong ng mga nasa pamahalaan, maipakita nawa nila ang kanilang pagiging mapagkakatiwalaang tagapaglingkod hindi lamang ng taumbayan kundi ng Diyos.