787 total views
Ganap ng batas ang Sim Registration Act makaraan lagdaan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pinagtibay na panukala ng Mababang Kapulungan at ng Senado.
Ito rin ang kauna-unahang panukalang isinabatas ng Pangulong Marcos Jr. sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Naniniwala naman si House Speaker Martin Romualdez na ang pagsasabatas ng SIM Registration Act or Republic Act (RA) No. 11934- ay makakatulong na mapangalagaan ang mga consumer laban sa cybercriminals at online scammers.
“The SIM Registration Act is a great first step toward the protection of the privacy of Filipinos that is currently vulnerable to intrusion from unscrupulous individuals who are using personal data to either misrepresent, scam or defraud consumers,” ayon kay Romualdez.
Ang panukala ay una na ring isinulong noong 18th congress bagama’t na-veto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ilalim ng panukala, kinakailangan nang mairehistro ang mga Sim cards ng Public Telecommunication Entity (PTE) bago gamitin.
Gayundin sa mga existing sim cards na dapat na mairehistro sa loob ng 180 araw makaraang maipatupad ang batas.
Sa Mababang Kapulungan, tatlong mambabatas ang tutol sa SIM registration law kabilang na sina Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas, ACT-Teachers Party-list Rep. France Castro, at Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel.
Ayon sa mga mambabatas, hindi dapat ipagkatiwala ang mga personal na impormasyon lalo’t hindi rin nasolusyunan ng ahensya ng gobyerno ang ilang insidente ng data breaches.