6,470 total views
Nakikisimpatya ang Simbahang Katolika sa dinaranas na pagkalugi ng mga rice farmer sa buong bansa.
Ikinalulungkot ni Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud at San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari ang kawalan ng pagkilos ng pamahalaan sa mababang presyo o farm gate ng palay lalu na sa Nueva Ecija na tinaguriang “rice grannery” ng Pilipinas.
Sa kabila ng dinanas na epekto ng El Nino phenomenon at sunod-sunod na bagyo na sinabayan ng habagat ay napakababa pa rin ng “farm gate price” ng palay ngayong panahon ng anihan.
Umaapela si Bishop Mallari at Bishop Bancud sa pamahalaan na paigtingin ang pakikiisa at pagtulong sa mga rice farmers ng bansa upang matiyak na mayroong sapat na suplay ng bigas ang Pilipinas dahil ito ang pangunahing pagkain ng mga Pilipino.
Naunang ikinadismaya ng Bantay Bigas at Amihan Woman’s Peasant Group sa kakulangan ng administrasyong Marcos na tugunan ang mababang presyo ng palay sa bansa.
Inihayag ni Cathy Estavillo, Secretary-General ng Amihan at Spokesperson ng Bantay Bigas na lubhang ikinalugi ng mga magsasaka ang mababang presyo ng palay gayung napakataas naman ang halaga ng bigas sa mga pamilihihan.
Tinukoy ni Estavillo ang pagkalugi ng mga magsasaka dulot ng el nino at sunod-sunod na bagyo gayundin ang Rice Liberalization Law (RLL).
Ipinagtataka ni Estavillo na mayroong budget ang pamahalaan sa confidential intelligence fund at importasyon ng bigas gayong walang ginagawa ang NFA na direktang bilhin sa mga magsasaka ang aning palay upang maiwasan ang pagmamalabis ng mga negosyante.
“Problema ngayon, mula sa epekto ng El Nino hanggang sa sunod-sunod na bagyo, wala pa ring ginawa si Marcos at DA para itaas ang presyo ng palay at direktang bilhin ng NFA ito sa mga magsasaka. May budget sa importasyon at Confidential Intelligence Fund pero wala sa lokal na produksyon at kabuhayan ng mga magsasaka,” ayon sa mensaheng pinadala Estavillo Radio Veritas.
Sinabi ng Bantay Bigas na dahil sa R-L-L ay kailanman ay hindi humigit sa 20-piso ang presyo sa kada kilo ng farm gate price ng palay.
Sa datos ng grupo, umaabot lamang 13 hanggang 17-piso ang presyo ng palay sa Cagayan, 14 hanggang 16-piso naman sa Albay, San Mate at Cauyan Isabela, 18.50-piso naman sa Lili Laguna at 19-piso sa Pagsanjan Laguna.
“To address the rice crisis, the government should support the rice farmers for good farm gate price, production support, post-harvest facilities and others. Likewise, junk RA 11203 (Rice Liberalization Law) and push for genuine agrarian reform for the development of rice industry and national food security based on self-sufficiency and self- reliance,” ayon pa sa mensahe ni Estavillo na pinadala sa Radio Veritas.
Sa datos ng Bantay Bigas, simula noong 2019 matapos maisabatas ng RLL hanggang 2024, umaabot na sa 251-billion pesos ang ikinalugi ng mga Pilipinong magsasaka ng palay.