38,872 total views
Ito ang sigaw sa opisyal na paglulunsad ng kuwalisyon na mangunguna sa paglaban sa patuloy na isinusulong na Charter Change sa bansa.
Tinagurian bilang KOALISYON LABAN SA CHACHA! binubuo ang nasabing kowalisyon ng may 40-grupo mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan na kinabibilangan ng mga church groups at people’s movement sa bansa na pawang naninindigan sa pagpapahalaga sa Saligang Batas ng Pilipinas na nagsisilbing sandigan ng mga karapatan, kalayaan at demokrasyang tinatamasa ng bansa.
Kabilang sa mga organisasyon at grupong kasapi ng kowalisyon ang development and advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na Caritas Philippines sa ilalim ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace o Caritas Philippines na pinangungunahan nina Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo at San Carlos Bishop Gerry Alminaza.
Ayon kay Bishop Alminaza, mas dapat tutukan ng pamahalaan ang pagkakaloob ng kalidad na serbisyo publiko sa mamamayang Pilipino sa halip na ang pagbabago ng Saligang Batas kung saan sa halip na mag-aksaya ng panahon at pondo ang pamahalaan para isulong ang pag-amyenda ng Konstitusyon ay mas nararapat na ilaan na lamang ito sa pagtiyak ng pagkakaloob ng kalidad at naaangkop na serbisyo publiko.
“Caritas Philippines stands firmly against the current push for charter change, urging the government to prioritize strengthening social services, combating corruption, and addressing the plight of the poor. We view attempts to alter the Constitution, especially with questionable motives and limited public participation, as threatening our nation’s well-being. The 1987 Constitution is not a political plaything. It was crafted after a dark period to serve the Filipino people, upholding human dignity, human rights, and the common good. We echo the CBCP’s stance: any revision must adhere to these moral principles.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Alminaza.
Mariin namang nanawagan si Caritas Philippines Executive Director Fr. Antonio Labiao Jr., na maging mapagbantay, at ipagdasal ng lahat ang mga nagaganap sa lipunan partikular na ang iba’t ibang tangka na baguhin ang Saligang Batas ng Pilipinas.
Paliwanag ni Fr. Labiao, mahalagang ang aktibong partisipasyon ng taumbayan upang mabantayan at hindi maisakatuparan ng iilan ang mga pa sariling interes na nakapaloob sa isinusulong na Charter Change.
“So kung pwede tayo magkaisa na gawan ng paraan para itong mga issues na sa tingin natin nagpapahirap sa buhay ng karamihan ay mabigyan ng kalutasan environment, bureaucracy, at lahat ng mga issue ngayon na minsan iilan lamang ang nakikinabang nito at iniiwasan harapin kaya tayo na sa iisang pagkikilos. So ito yung mga iilan nating mga panawagan, makinig tayo at manalangin, magbantay at kumilos bilang nagkakaisang Simbahan at komunidad laban sa Charter Change o CHACHA.” Ayon kay Fr. Labiao.
Pagbabahagi ng Pari, napapanahon ang paglulunsad ng gawain ngayong araw na Miyerkules ng Abo at Araw ng mga Puso upang ganap na maisulong ang naaangkop na pagninilay ng bawat isa kaugnay sa usapin ng pagbabago ng Saligang Batas at higit na mapag-alab ang pagmamahal ng taumbayan sa bansa.
Bilang nagkakaisang Simbahan at komunidad laban sa Charter Charter ay inihayag din ng Pari ang unang gawain ng koalisyon laban sa Charter Change na isasagawa sa ika-22 ng Pebrero, 2024 ganap na na alas-otso ng umaga sa Plaza Roma sa harapan ng Manila Cathedral at tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) na naglalayong manawagan ng suporta at paninindigan para sa kasalukuyang umiiral na Saligang Batas ng Pilipinas.
Batay sa pinakahuling tala, umaabot na sa humigit kumulang 40 ang bilang ng mga grupo at organisasyon na lumagda ng pakikiisa sa Koalisyon Laban sa CHACHA mula sa iba’t ibang mga sektor sa buong bansa.