2,007 total views
Patuloy na pinahahalagahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga simbahan at pook sa bansa na may malaking ambag sa kasaysayan.
Ayon kay CBCP Commission on Cultural Heritage of the Church Executive Secretary Fr. Milan Ted Torralba, ang pagsisikap ng simbahang maideklarang mahalaga ang mga gusaling itinayo daang taon ang nakalilipas ay upang hikayatin ang mamamayan na pangalagaan at pahalagahan.
“Ang personal motivation ko nitong mga declarations [National Cultural Treasure/Important Cultural Property] sa mga gusali na itinayo noong Spanish colonial period dito sa ating bansa para ipaalala sa bawat Pilipino na ang simbahan ang nangunguna sa pagpapahalaga at hindi malilimutan ng tao at kaparian ang mga pamanang patuloy pinakikinabangan,” pahayag ni Fr. Torralba sa Radio Veritas.
Ito ang mensahe ng pari kaugnay sa pagdeklara ng National Museum of the Philippines sa ilang simbahan sa Bohol bilang mga mahalagang yaman sa bansa.
Kamakailan ay isinapubliko ng NMP ang tanda sa ikasiyam na simbahang National Cultural Treasure ang San Vicente Ferrer Parish sa Calape Bohol.
Makalipas ang ilang araw ay natanggap na rin ng Nuestra Senora del Carmen Parish sa Balilihan Bohol ang tanda mula sa NMP bilang pagkilalang Important Cultural Property.
Ayon kay Fr. Torralba na siya ring chairperson ng Commission on Cultural Heritage ng Diocese of Tagbilaran at kasapi ng NMP Panel of Experts bukod sa mga simbahan ay may mga pook din sa Bohol na binibigyang pagpapahalaga ng simbahan at pamahalaan.
“Bukod sa mga lumang simbahan, kinikilala at pinahahalagahan din natin ang mga lumang tulay at watchtowers,” ani Fr. Torralba.
Sa tala ng National Commission for Culture and the Arts nasa 128 mga simbahan sa bansa ang kinilalang National Cultural Treasure, Important Cultural Property at National Historical Landmark kung saan sa nasabing bilang 21 ay matatagpuan sa Bohol.