579 total views
Nagpahayag ng pagtutol si environmentalist Rodne Galicha laban sa pagmimina sa Sibuyan Island sa lalawigan ng Romblon.
Ayon kay Galicha, executive director ng Living Laudato Si’ Philippines, mananatiling matatag ang paninindigan ng mga Sibuyanon upang pigilan ang pagmimina ng Altai Philippines Mining Corporation sa isla ng Sibuyan.
Iginiit ni Galicha na dapat higit na pakaingatan ang mga likas na yaman sa halip na ipagpalit ang mga ito sa salaping magmumula sa mapaminsalang pagmimina.
“We will not stop protecting our island. One of the Philippines’ last biodiversity hotspots. Our mountains, rivers, and seas are more important than whatever wealth mining can give,” pahayag ni Galicha.
Magugunita noong 2011 nang maglabas ng cease and desist order ang Department of Environment and Natural Resources-Mines and Geosciences Bureau (DENR-MGB) laban sa pagmimina sa Sibuyan Island dahil sa kakulangan ng social acceptability na kinakailangan sa ilalim ng Philippine Mining Act.
Ngunit nitong Setyembre 2021 ay binawi na ito ng MGB matapos ipatupad ng dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order 130 o ang pagbawi sa ban on open-pit mining sa bansa.
Muli namang hinimok ni Galicha ang mamamayan na isabuhay ang pagmamalasakit sa kalikasan upang magampanan ang pagiging mabuting katiwala ng mga nilikha ng Diyos at mapakinabangan din ng mga susunod pang henerasyon.
Kaisa naman ng mamamayan ng Sibuyan Island ang Simbahang Katolika sa patuloy na pagtutol sa pagpasok ng industriya ng pagmimina sa isla.