382 total views
Patuloy na nakikipagtulungan sa pamahalaan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines upang maipalaganap ang vaccine confidence kaugnay sa COVID-19 vaccine.
Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Health Care Executive Secretary, Camillian Priest Fr. Dan Vicente Cancino, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng simbahan sa Department of Health at iba pang pribadong sektor para maisagawa ang information dissemination upang mapawi ang pangamba ng publiko laban sa COVID-19.
“Tuluy-tuloy pa rin ‘yung information dissemination, building confidence on COVID-19 vaccination,” bahagi ng pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi rin ng opisyal ng CBCP na tinitiyak ng komisyon na maayos na ipinatutupad ng pamahalaan ang vaccination program para sa mga nasa priority list, lalong-lalo na ang mga senior citizens at nasa mahihirap na komunidad.
Dagdag pa ni Fr. Cancino na sinisikap rin ng komisyon na matulungan ang mga church workers upang agad na makatanggap ng bakuna bilang proteksyon laban sa virus lalo’t pinahintulutan na ng pamahalaan ang 50-percent seating capacity sa mga religious activities.
“We’re making sure that the prioritization ng vaccination is implemented properly and we’re trying to make sure na ‘yung ating mga church workers din would be receiving their vaccination as soon as possible,” ayon kay Fr. Cancino.
Samantala, dumating na sa bansa ang karagdagang isang milyong doses ng Sinovac vaccine na unang batch ng vaccine na mismong ang pamahalaan ang gumastos sa halagang P700-million.
Ipapamahagi ang mga nasabing vaccines sa Metro Manila, Zamboanga, Cagayan de Oro, Butuan at mga lalawigan sa Western Visayas kung saan patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Layunin ng pamahalaan na mabakunahan ang nasa 70-milyong indibidwal ngayong taon upang maabot ang herd immunity laban sa nakakahawa at nakamamatay na sakit.
Batay sa huling ulat ng DOH, umabot na sa 1.27-milyon ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan 7,228 ang panibagong kaso.
Habang umabot naman sa 7,372 ang mga gumaling at 166 ang naitalang mga nasawi.