201 total views
Nagsilbing evacuation centers ng mga apektado ng bagyong Marce ang mga simbahan sa Panay islands, Romblon, Negros Occidental at Mindoro.
Sa mensahe ng Archdiocese of Capiz, mula umaga ay kanilang naranasan ang walang tigil na pag-ulan na may malakas na hangin dahilan upang magsilikas ang may 121 indibidwal sa Panay Evacuation Center.
Ayon kay Capiz Social Action Director Rev. Fr. Mark Grandflor, patuloy silang naka-antabay sa epekto ng bagyo lalo na’t posible pang madagdagan ang mga bahang lugar dahil sa pag-ulan.
“Moderate to heavy rains with strong winds since this morning. As of 11am we have 121 individuals or 26 households evacuees in Panay Evacuation Center, So far umuulan pa din and we are expecting floods as the rain continues,” pahayag ni Father Grandflor sa Radio Veritas.
Sa Diocese ng Romblon, 20-pamilya ang nagsilikas isang parokya dahil na rin sa patuloy na pag-ulan.
Ayon kay Rev. Fr. Ric Magro ng Social Action Center ng Diocese of Romblon, 20 pamilya ang nananatili ngayon sa Our lady of Candles Parish sa bayan ng Odiongan.
Ibinahagi naman ni Fr. Ernie Larida ng Diocese of Bacolod na bumuti na ang panahon sa kanilang lugar at wala pang naiulat na malawak na pinsala sa buhay at ari-arian.
Kaugnay nito, Tiniyak ni Apostolic Vicariate of Calapan Social Action Director Fr. Edgar Fabic na naka-alerto ang kanilang hanay at naka-handa na rin ang mga evacuation centers ng Simbahan sakaling kailangan ng mga residente.
Sa ulat ng Philippine Coast Guard, tinatayang aabot sa mahigit sampung libong indibidwal ang stranded ngayon sa iba’t-ibang pantalan sa Visayas dahil sa bagyong Marce.