352 total views
Dismayado ang CBCP – Permanent Committee on Cultural Heritage of the Church sa iniwang tone – toneladang basura ng mga kapatid nating bumisita sa mga kaanak na yumao sa mga sementeryo.
Ayon kay Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, chairman ng komisyon, kabalintunaan na dumadalaw tayo sa puntod ng ating mga mahal na yumao upang magbigay respeto ngunit nawawalan naman tayo ng paggalang sa kapaligiran.
Kaya’t muling pinaalalahanan ng Obispo ang mga mananampalataya na kung tunay nating ibinibigay ang paggalang sa ating mga yumao sa kanilang himlayan ay matuto tayo at maging responsable sa pagtatapon ng ating basura sa loob ng sementeryo.
“Talagang disappointed ako sa maraming kapatid natin na Katoliko yung kawalan ng respeto. Kasi I find it very ironic yun bang you go to the cemetery to pay your respect yung sinasabi natin sa Ingles. You pay your respect but you don’t respect the environment. Nakikita mo na pagkatapos ng Undas ay gabundok o tone – tonelada ang mga basura na iniiwan, para sa akin very disappointing yun. Kaya uulit – ulitin ko kung tunay tayong may paggalang sa mga yumao, sana maging responsable talaga tayo na yung ating basura ma – manage naman natin,” pahayag ni Bishop David sa panayam ng Veritas Patrol.
Sinabi ni Bishop David na nakakahiya na ibang relihiyon pa ang nagpapakita ng respeto at paggalang sa ating mga yumao tulad ng isang Buddhist group mula Tzu Chi Foundation na tumulong makapangalap ng basura sa mga sementeryo at nagpanatili ng kalinisan.
“Natutuwa ako na marami tayong volunteers, in fact some of our volunteers hindi man sila Katoliko, mga members ng Tzu Chi Foundation, bhuddist yun pero nag – volunteer sa ating mga sementeryo na maglinis. Hindi ba dapat mahiya tayo dun mga taga – ibang relihiyon pa ang tutulong sa atin na hindi man sila papasok ng sementeryo para lumapastangan o igalang ang ating mga yumao pero yun nga sila pa yung nagpapakita ng paggalang sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan ng ating mga puntod ng mga yumao,” giit pa ni Bishop David sa panayam ng Radyo Veritas.
Nabatid na ngayong taon ay wala pa ring pagbabago, dahil umabot sa 168 na truck ang dami ng basurang nahakot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na tinatayang nasa 1,008 tonelada, mula sa 23 na mga sementeryo sa kasagsagan ng pag-gunita ng Undas.
Ayon pa kay MMDA Metro Parkway Clearing Group head Francis Martinez, lampas kalahati ito sa nahakot nila mula sa 26 sementeryo noong nakaraang taon na umabot sa 302 trucks ang dami.
Nakasaad naman sa Laudato Si ng kanyang Kabanalan Francisco na ang basura na siyang sumisira sa mundo dahil sa kapabayaan at hindi responsableng pagtatapon nito sa tamang kalalagyan.