207 total views
Hindi magiging matagumpay ang kampanya kontra ilegal na droga ng gobyerno kung walang programa na paiiralin para sa mga sumukong drug dependent at nagbebenta ng droga.
Ayon kay Father Guilbert Villena, Order of Carmelites at mula sa San Isidro Labrador Parish, kinakailangan ng tumulong ang Simbahan sa anti-drug campaign ng gobyerno lalo’t kulang ang pasilidad para sa rehabilitasyon ng mga sumukong lulong sa droga.
Base sa pinakahuling ulat, may 700 libo na ang sumuko sa pulisya mula sa sinasabing 3.7 milyong addict at pusher sa bansa ayon sa ulat ng Malacanang.
Aniya, bagama’t sumuko na ang mga lulong at nagbebenta ng droga ay maaari pa rin ang mga itong bumalik sa kanilang dating gawain kung hindi matutugunan ang mga dahilan kung bakit sila nasangkot sa ilegal na gawain.
Trauma
Si Fr. Villena ang isa sa nagmisa sa nasawing maglive-in partner na si Vivian Ramos at Adrian Peregrino na binaril at namatay sa harap ng kanilang mga anak ng hinihinalang miyembro ng Caloocan Death Squad sa Camarin.
Kinumpirma rin ni Caloocan Police Chief Senior Supt. Johnson Almazan na kabilang ang mag-asawa sa drug watch list at sumuko sa Police Community Precinct 5 kaugnay na rin sa ‘Oplan Tokhang’.
Sinabi pa ng pari na bukod sa mga anak ng mga pinaslang, ilang mga residente rin ang nakakita sa pamamaril sa mag-asawa na nangangailangan din ng psycho-social intervention.
“Naghahanap pa kami ng pede tumulong para sa mga bata, 7 mga bata. May isa pang pamilya na nakita nila ang pagkapatay you have to reach out to these families, nakita rin nila ang pagpatay. Violence is violence,” ayon kay Fr. Villena sa panayam ng Radyo Veritas.
Sinabi pa ni Fr. Villena na karamihan sa mga biktima ay mula sa urban poor at may tatlo pang nakaburol sa Barangay Bagong Silangan.
May 1,045 na ang nasawing mga drug suspect sa legitimate operation na isinagawa ng pulisya, habang ang ilan ay sinasabing kagagawan ng mga ‘vigilante’.
Due process
Muli namang nanawagan si Fr. Villena na nawa ay umiral ang due process sa mga pinaghihinalaang sangkot at hindi dapat ilagay ang batas sa kanilang mga kamay.
“Sana mag-prevail yung rule of law, pagrespeto ng buhay. Huwag ilagay sa kamay ang batas dapat restoration, redemption, rehabilitation and not killings, violence is violence. Also di pang matagalan dapat talaga is to reach out kung paano matutulungan ng simbahan ang pamahalaan para sa rehabilitation program para sa kanila. Kailangang bigyan ng programa ng pamahalaan, livelihood of course. Di yung basta lang magsurender ano gagawin nila? So dapat talaga isama sa pangmatagalang programa,” dagdag pa ng pari.
Prayers
Binigyan diin din ni Fr. Villena na bukas ang simbahan para sa mga nais at nangangailangan ng sakramento lalo na ang misa, tiniyak din nito na kabilang ang mga nasawi sa mga prayer intention ng kanilang misa.
“We are willing to give mass, that is our duty and also we include them to mass intentions during our masses. Dapat lang ay ma-ischedule, ayon kay Fr. Villena. Giit pa ni Fr. Villena, kinakailangan talaga ang pagkilos ng simbahan hindi lamang sa panalangin tulad na rin ng proyektong inilunsad ng Diocese of Novaliches na pakikipagtulungan sa gobyerno para sa rehabilitasyon ng mga sumuko.
Inilunsad din ng Diocese of Novaliches ang Summit Meeting on Church’s Response to War on Drugs bilang tugon sa problema ng ilegal na droga na kinakaharap ng bansa.
Una na ring nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at maging si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na kaisa ng gobyerno, tutol din ang simbahan sa ilegal na droga na sumisira sa pamilya at komunidad.
Sa kabila nito, hiling din ng simbahan ang pag-iral ng batas at ang pagtutol sa extra judicial killings para na rin sa kapakanan ng mga inosenteng naisasangkot sa krimen.
Sa kasalukuyan ay naghahanda na rin ang Caritas Manila, katuwang ang Caritas Restorative Justice Ministry, Center for Family Ministries (CEFAM), at mga ahensya ng gobyerno tulad ng Social Welfare and Development, Interior and Local Government para tugunan ang mga kinakailagang programa sa mga sumuko at susuko pang drug suspects.