303 total views
Labis ang pasasalamat ni Prelature of Marawi Bishop Edwin Dela Peña sa ginagawang pagkilos ng iba’t-ibang institusyon ng Simbahang Katolika para makatulong sa mga Internally Displaced Person dulot ng patuloy na kaguluhan sa Marawi City.
Ayon kay Bishop Dela Peña, mahalaga ang aktibong pakikibahagi ng Simbahang Katolika sa pagtulong para sa mga bakwits lalo na’t patuloy ang pangangailangan ng mga ito homebased man o nasa mga evacuation centers.
“Una sa lahat ina-acknowledge namin ang lahat ng tulong na dumating sa Diocese of Iligan at Prelature of Marawi at we are overwhelm for this expression of generosity and support for our evacuees we hope we will continue to support them.” pahayag ni Bishop Dela Peña.
Una ng inihayag ng Caritas Philippines na umabot na sa 10 Milyong Piso ang tulong na kanilang ibinabahagi sa mga IDP’s habang nagpapatuloy ang ginagawang relief intervention ng Diocese of Iligan.
“Importante talaga na ituloy yung ating ugnayan para maipagpatuloy din natin yung ating pagtulong sa ating mga kapatid na nasa mga evacuation centers. Ito ay initial pa lamang at tinitingnan natin yung mga immediate needs ng mga bakwits sa ngayon, pero eventually tutumbukin natin yung Marawi kung saan gaganapin yung ating rehabilitasyon yung pagbangon ng Marawi.” dagdag pa ng Obispo.
Kaugnay nito ang Arkidiyosesis ng Maynila at ang Social Arm nito na Caritas Manila ay nakapagpadala na din ng P2 Milyon Piso para sa mga bakwits bukod pa sa mga bigas, water filters, gamot at mga undergarments.
Samantala, suportado ni Iligan Vice Mayore Jemar Vera Cruz ang ginagawang pagkilos ng Simbahang Katolika at aminado siya na malaki ang naitutulong ng insititusyon para mabawasan ang paghihirap ng mga bakwits bagamat karamihan sa mga ito ay mga Muslim.
“Ito talaga ang pagmamahal na buhay, Ito ay faith in action this is very important for the church be a light to the people in darkness lalo na ngayon dito maraming evacuees sa ating lugar sa Iligan City”.
Magugunitang si Vice Mayor Vera Cruz ay dating Vicar General ng Diocese of Iligan bago magsilbing bise alkalde ng siyudad.
Tinatayang nasa 5 libong Pamilya ang una nang natulungan ng Simbahang Katolika sa Iligan at Marawi habang target nito na makatulong pa sa karagdagang 3 libong home based families.