739 total views
Mahalaga ang pakikipag-usap at pagtutulungan para sa ikauunlad ng lipunan.
Ito ang binigyang diin ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education hinggil sa binabalak ng pamahalaan na exchange program sa pagitan ng Pilipinas at Israel na layong mapalakas ang sektor ng agrikulutra sa bansa.
Ayon sa Obispo, hangarin ng Simbahang Katolika na magkaisa ang bawat bansa tungo sa paglago ng pamayanan at ng mga nasasakupan.
“Ang simbahan ay palaging bukas sa larangan ng dialogue at pakikipagtulungan para sa kaunlaran sa lahat ng larangan.” pahayag ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Napag-usapan nina Department of Finance Secretary Carlos Dominguez III at Israeli Ambassador to the Philippines Ephraim Ben Matityau ang pagpapalawak ng people to people exchange ng dalawang bansa upang pag-aralan ang pagpapalago ng sektor ng agrikultura at financial system na makatutulong sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng Pilipinas.
Kilala ang Israel na may maunlad na sektor ng agrikultura sa kabila ng malawak na disyerto sa nasabing bansa lalo na ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa patubig o irrigation system.
Giit naman ni Bishop Mallari dapat kapwa maghatid ng pag-unlad ang nasabing programa para higit na matulungan ang kapakanan ng mamamayang nasasakupan ng dalawang bansa.
“Huwag natin sabihin na may matutuhan tayo sa kanila kundi tayo rin ay may malaking maiihahandog sa kanilang paglago.” dagdag ng obispo.
Una nang nananawagan ang iba’t ibang grupo sa Pilipinas na palawakin ang pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura sa bansa upang mawakasan ang kakapusan at mataas na presyo ng mga produktong pang-agrikultura tulad ng bigas at gulay.
Isa ang Pilipinas sa tinaguriang agricultural country sa Asya sapagkat higit pitong milyong ektarya ang lupang sakahan dito batay sa tala ng Philippine Statistics Authority – Country STAT Philippines.
Sa pahayag noon ni Batanes Bishop Danilo Ulep, hinimok ang bawat mamamayan na palakasin ang lokal ng produksyon ng pagkain dahil ito ang bukod tanging paraan na manatiling sapat ang suplay sa komunidad.