1,928 total views
Layunin ng Simbahang Katolika na tulungang umunlad ang buhay ng mga mahihirap hindi lamang sa pagbibigay ng one-time big-time na financial assistance.
Ito ang tiniyak ni Jing Rey Henderson – Communication and Partnership Development Unit Coordinator ng Caritas Philippines sa pagpapatuloy ng mga adbokasiya ng Social Arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Ayon kay Henderson, sa tulong ng mga existing programs ng Caritas Philippines tulad ng Self Help Groups, Bamboohay, Bahay-kubo at Busog program ay nakakalikha ng mga trabaho o kabuhayan sa mahihirap na sektor sa bansa.
Sinabi ni Henderson na tinutulungan ng simbahan ang mga mahihirap at nasalanta ng kalamidad na magkaroon ng magkaroon ng kabuhayan na maari nilang mapaunlad sa kinalaunan.
“Kasi kinakailangan na maimulat (ang mga benipisyarto) na dapat lalung-lalu na yung food security at sovereignity ay kinakailangan at pangunahin na tungkulin ng pamilya, pwera sa gobyerno at pwera sa simbahan so kinakailangan at pwede nila iyong maitransform into something na una ay magagamit nila bilang pagkain at pangalawa mapagkakakitaan din nila yung mga ibinibigay natin sa kanila,” bahagi ng panayam ng Radio Veritas kay Henderson.
Ibinagi rin ng opisyal na sa tulong ng mga inisyatibo ng Caritas Philippines ay naging suppliers na ng gulay at ibang uri ng pananim sa mga pamilihan ang mga natulungan ng Social Arm ng CBCP na magkaroon ng sariling community gardens.
Pinaigting din ng Caritas Philippines ang Farm-to-Market Approach upang agad na maibenta ng mga mangingisda at magsasaka ang kanilang produkto na hindi na dumadaan sa mga middle-men.
“Hindi one time na bibigyan natin ng pondo para doon sa kanilang mga activities kungdi may mga kasama itong mga trainings, ibig sabihin itine-train natin, at saka mga formation, lalung-lalu na doon sa mga kababaihan at kanilang mga pamilya, pagkatapos ng organizing ay papasok na yung family formations sessions natin, afterwards mayroon tayong tinatawag na mga self- help groups, ito ay mobilization natin para magkaroon ng savings,” paglilinaw ni Henderson sa Radio Veritas.
Sa datos ng Caritas Philippines, ang mga nabanggit na programa ay magkakahiwalay na ipinapatupad sa 60-diyosesis sa Pilipinas kung saan umaabot sa 250 hanggang 500 pamilya ang nagiging bahagi nito.
Pinakamalaking bilang ng mga natulungan at patuloy na nakakatatanggap ng livelihood programs ay ang Lipa Archdiocesan Social Action Center na mahigit sa limang libong pamilya.
Sa kasalukuyan, inihayag ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pinag-aaralan ng pamahalaan na gumawa ng “food stamp” program para sa mga pinaka-mahirap na Pilipino sa buong bansa.