257 total views
April 13, 2020, 2:06PM
Bagama’t bahagi na ng tungkulin bilang lingkod ng simbahan, personal ding kagustuhan ng mga paring relihiyoso na maglingkod sa mamamayan sa kabila ng panganib na dulot ng Novel Coronavirus.
Ayon kay Fr. Angel Cortez ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP), kinakailangan ng bawat isa na tumulong sa pamahalaan at mamamayan sa abot ng kanilang kakakayanan na ang layunin ay masupil ang pagkalat ng sakit.
“Bago naman suungin ng mga relihiyosong ito ay alam na nila ang risk at pinapaalalahanan din tayo ng CBCP at leaders. Pero sino ba naman ang hindi mahahabag sa sitwasyon ngayon. So personal choice na po ito ng mga religious na talagang humaraharap dito sa ganitong pangyayari,” ayon sa pahayag ni Fr. Cortez.
Ikinalulungkot din ni Fr. Cortez na ibalita ang pagpanaw ng sampung Franciscans priest sa Italya dulot ng Covid-19 na nagsilbing mga doktor at medical frontliners.
Unang ipinagluksa ng simbahan sa Pilipinas ang pagpanaw ng isang seminarista mula sa Redemptoris Mater Seminary dulot din ng pagkahawa sa virus.
Tiniyak din ni Fr. Cortez ang patuloy na paglilingkod sa publiko sa kabila ng banta ng pandemya lalu’t pinalawig ng pamahalaan ang Enhance Community Quarantine (ECQ) sa kalakhang Maynila.
“Sa panahong ito ay hinahanap ng iba ang simbahan, hindi na nila kailangang hanapin dahil hindi naman tayo nagtatago. Tayo ay nandito lang sa tabi-tabi at ginagawa ang ating tungkulin,” ayon kay Fr. Cortez.
Ilan sa mga pinagkakaabalahan ng mga Catholic congregation ang pagbibigay ng matutuluyan sa mga medical frontliners, pulis at mga walang tahanan.
Ilan din sa mga inistyatibo ang pagsasagawa ng mobile kitchen para sa nagugutom gayundin ang pamamahagi ng relief goods sa mga mahihirap na komunidad.
Sa Pilipinas, tinatayang may 300 religious congregation ang miyembro ng AMRSP.