1,127 total views
Nilinaw ng isang Pro-life group na hindi katanggap-tanggap at hindi sang-ayon ang simbahan sa ‘In Vitro Fertilization at surrogacy’.
Paliwanag ni Dr. Eleonor Palabyab, MD- Pangulo ng Doctors for Life Philippines (DFLph), hindi ito ang normal na prosesong nilikha ng Panginoon sa pagbuo ng buhay ng tao, kaya naman sa kabila ng mabuting hangarin ng mag-asawa na magkaroon ng anak, ay labag ito sa moral at etikal na paniniwala ng simbahan.
“The end does not always justify the means, kahit na sabihin natin na nakuha natin yung gusto natin, pero yung pamamaraan, is still debatable,” bahagi ng pahayag ni Dr. Palabyab sa Radyo Veritas.
Ayon kay Dr. Palabyab sa proseso ng In Vitro Fertilization o IVF ay kinukuha sa katawan ng babae at lalaki ang egg cell at sperm cell, at saka ito pagsasamahin gamit ang teknolohiya.
May mga pagkakataon din ayon sa dalubhasa na kung gustong magkaroon ng anak ng isang babae ay maaari itong kumuha at mamili ng ‘genes’ ng ibang tao na hinahalo sa kanyang egg cell.
Maaaring piliin ang lahi, ang magiging pisikal na itsura pati na rin ang intelligence, at iba pang katangian upang makalikha ng isang perpektong bata.
“Yung features n’ya anong gusto mo, anong gusto mong intelligence n’ya anong lahi n’ya, you want a perfect child. Para ka lang nagsusukat ng sapatos, anong pinakamaganda dito, yung kasyang kasya, yung hindi ako ma mo-mroblema,” dagdag pa ni Dr. Palabyab.
Bukod dito, kung mayroon namang problema sa matres ang isang babae at hindi nito kayang magbuntis, ay may pamamaraan na din kung saan maaaring ilagay ang fertilized embryo sa ibang matres at ito naman ang tinatawag na surrogacy.
Iginiit naman Dr. Angelita Aguirre- Advisory Board Member ng DFLph na ang sitwasyon ng hindi pagkakaroon ng anak ay mahirap subalit kinakailangang matanggap ng isang tao.
Ayon pa kay Dr. Aguirre ang mga sanggol ay hindi materyal na pag-aari tulad ng isang bahay o kotse na maaaring makuha o mabili ng mga may kakayahan.
Paliwanag pa nito, ang anak ay biyaya na ipinagkakaloob ng Panginoon sa pamamagitan ng natural na proseso kung paano Niya ito nilikha.
“The child is not a property that you may have or not have like a house or a car. A baby is a gift from God which is natural product of procreation through that loving embrace or conjugal act of the husband and wife,” bahagi ng mensahe ni Dr. Aguirre.
Sa Pilipinas ay ilang kilalang personalidad ang ibinalitang nagkaroon ng anak sa pamamagitan ng IVF at surrogacy.
Sa Encyclical Letter na Humanae Vitae, binigyang diin ang kahalagahan ng pagtataguyod at pagpapanatili ng dignidad ng bawat tao sa pamamagitan ng pangangalaga sa natural na pamamaraan ng pagtatalik ng mag-asawa na tumanggap ng sakramento ng pag-iisang dibdib.