232 total views
Tuwirang pagharap sa eskandalo, pag-amin sa kalabisan at pagtugon ng simbahan ang bunga ng katatapos lamang na Summit on Protection of Minors sa Vatican.
Ang pagtitipon ay dinaluhan ng Kaniyang Kabanalan Francisco kasama ang mga pangulo ng Episcopal Conferences at mga eksperto.
Si Davao Archbishop Romulo Valles, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang kinatawan ng Pilipinas at Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na naimbitahan naman bilang isa sa tapagsalita sa pulong.
Ayon kay Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr., ang pulong ay pagpapatunay na hindi tinatalikuran ng simbahan ang mga ulat ng pang-aabuso.
“Unang magandang bunga ay hinaraharap ng tuwiran ang problema hindi itinatago. Inaamin na merong mga pagkukulang, kalabisan na ganyan. Ang ikalawa, ang nakatutuwa ay humahanap naman ng paraan hindi lang para maremedyuhan yung nangyari kundi para mapigilan na lumaganap ang ganiyang pangyayari sa simbahan. Yun ang nakikita kong purification na nagiging resulta at magiging bunga ng nangyari,” ayon kay Bishop Bacani.
Layunin din ng pulong na makagawa ng mga hakbangin upang hindi na maulit pa ang pang-aabuso lalu ng mga pinunong lingkod ng simbahan.
Sa naging pahayag ni Cardinal Tagle, ang hindi pagtugon sa mga ulat ng pang-aabuso ay isang pagtatakip at pagkukunsinti sa mga nagkakasala.
“Pero aaminin ko na malaking damage ‘yan sa simbahan. Talagang nasugat ng husto. Si Cardinal Tagle sinabi rin nya ‘yan na parang pagpako sa krus sa ating Panginoong Hesuskristo. This is really evil, mabuti at hinaharap ng simbahan,” ayon pa sa Obispo.
Una nang hinatulang nagkasala ng hukuman si US Cardinal Theodore McCarrick at Australian Cardinal George Pell dahil sa kaso ng pang-aabuso.
Sa Pilipinas nahaharap naman sa parehong kaso ang isang pari mula sa Diocese ng San Carlos dahil sa pang-aabuso sa isang apat na taong gulang na bata.
Tiniyak ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza na hindi kokunsintihin at pagtatakpan ang nagawang pagkakamali ng Pari.
Read: Walk the talk, tiniyak ng Diocese of San Carlos
Ang akusadong pari ay isinasailalim sa pastoral care bilang paghahanda sa kaniyang sarili sa pagharap sa kaso at pag-uusig ng hukuman.