179 total views
Nagsampa ng Writ of Amparo si Sister Maria Juanita Daño, Religious of the Good Shepherd(RGS) upang proteksyunan ang maraming buhay sa San Andres Bukid, Manila.
Ayon kay Sr. Daño, bilang madre ay bahagi ng tungkulin nito sa Diyos na protektahan ang buhay ng bawat tao na kaloob ng Panginoon.
Dahil dito, iginiit ng Madre ang paniniwala ng simbahan na hindi dapat basta na lamang patayin ang mga pinaghihinalaang sangkot o gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
“Bilang madre ang mga madre ng mabuting pastol, isa naming thrust yung reconciliation at restorative justice, based sa aking experience na walong taon sa Africa, I worked with the prisoners, nakita ko na kapag buhay yung tao na nagkaksala mayroon pa siyang pagkakataon na magbagong buhay. So yun yung inilalaban ng Writ of Amparo.” Pahayag ng Madre sa Radyo Veritas.
Aminado si Sr. Daño na may kaunti itong takot kaugnay sa hakbang na kanyang ginawa napagsasampa ng Writ of Amparo subalit mas nananaig ang takot niyang hindi niya magampanan ang tungkuling iniatas sa kanya ng Panginoon.
“Mas takot ako kapag namatay ako na sasabihan ako [ng Diyos] na anong ginagawa mo during nung may mga namamatay, yung takot sa pulis, natabunan siya dahil sa takot sa Diyos na baka wala kong maisagot kapag ako’y namatay na anong ginawa mo nung buhay ka pa, yun ang pinaghuhugutan ng strength ko.” Dagdag pa ni Sr. Daño
Dahil dito, hinimok ng Madre ang iba pang mga relihiyoso at ang mga Diyosesis na gamitin ang legal na pamamaraan tulad ng pagsasampa ng Writ of Amparo upang maprotektahan ang kanilang lugar laban sa marahas na pagsasagawa ng mga operasyon kontra sa iligal na droga.
“Sana mag-gather together sila tapos tingnan nila, I encourage them to do the same kasi ang writ of Amparo is to protect at saka mamulat din ang kapulisan na gumagawa ng mali, baka hindi nila alam yung batas kaya ganun nalang ang ginagawa nila,” pahayag ni Sr. Daño.
Ang Writ of Amparo ay may pangunahing layunin na protektahan ang sinumang maghahain nito sa Korte Suprema laban sa banta sa kanyang buhay, kalayaan at seguridad ng mga opisyal o kawani ng pamahalaan.
Ang Writ of Amparo na idinulog ni Sr. Daño sa Supreme Court kasama ang iba pang 39 na petitioners ay humihingi ng proteksyon para sa 26 na kapitan ng mga barangay sa San Andres Bukid at sa mga residenteng nasasakupan ng mga naturang Barangay.