452 total views
Nagluluksa ang Archdiocese of Zamboanga sa pagpanaw ni Archbishop Romulo Dela Cruz.
Sa mensahe ni Zamboanga Apostolic Administrator Bishop Moises Cuevas sa Radio Veritas, ipinaalam ang pagpanaw ng Arsobispo noong December 10 dahil sa matagal nang karamdaman.
“With profound sadness I wish to inform you of the passing of the Most Rev. Romulo Dela Cruz; let us pray for his eternal repose,” pahayag ni Bishop Cuevas.
Pumanaw si Archbishop Dela Cruz ganap na 11:05 ng gabi sa edad na 74 na taong gulang.
Noong July 25 ng kasalukuyang taon nang ma-stroke ang Arsobispo dahilan upang mamalagi ito sa pagamutan.
Pansamantalang itinalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco si Bishop Cuevas na obispong tagapangasiwa ng arkidiyosesis na ‘sede plena’ dahil sa pagkakasakit ni Archbishop Dela Cruz.
Si Archbishop Dela Cruz na tubong Balasan, Iloilo ay ipinanganak noong June 24, 1947, naordinahang pari noong December 8, 1972 at itinalagang obispo ni St. John Paul II noong December 17, 1987 at ginawaran ng episcopal ordination noong March 16, 1988.
Ilan sa mga misyong ginampanan ni Archbishop Dela Cruz ang pagiging obispo ng Prelatura ng Isabela de Basilan, San Jose de Antique, Kidapawan at Marso 2014 nang italagang ikaapat na arsobispo ng Zamboanga.
Hiling ni Bishop Cuevas sa mananampalataya na panalangin sa kapayapaan ng kaluluwa ni Archbishop Dela Cruz.
“May the Lord of Life, who has unlocked the gates of heaven, receive him into his eternal house,” ani Bishop Cuevas.
Dahil sa pagpanaw ng arsobispo apat na ang ‘sede vacante’ sa Pilipinas ang Archdiocese of Zamboanga, Archdiocese of Capiz, Diocese of Alaminos at ang Apostolic Vicariate of San Jose Mindoro.