215 total views
Gampanin ng Simbahan na maging sanctuary ng mga nangangailangan at naghahanap ng kalinga at proteksyon.
Ito ang inihayag ni Diocese of Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. kaugnay sa hakbang ni Lingayen, Dagupan Abp. Socrates Villegas na protektahan ang mga Pulis na nais tumestigo kaugnay sa mga kaso ng extra-judicial killings sa bansa.
Giit ni Bishop Bacani, 24/7 na nakahandang magkanlong ang Simbahan ng sinumang nangangailangan na maligtas o walang masulingan upang maligtas ang kanilang buhay.
“Yan ay hindi bagong bagay sa simbahan kundi isa ito sa mga dapat gampanan, kinakailangan lalo na kung sa pamamagitan nito ay mapapatigil o mababawasan man lang ang mga ginagawang walang patumanggang pagpatay sa mga hindi naman dapat patayin,” pahayag ni Bishop Bacani sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ng Obispo, ang pagbibigay kanlungan sa mga taong nasa panganib ang buhay ay isang makatarungan at maka-Diyos na gawain at hindi ito ang unang pagkakataong gagawin ng Simbahan ang pagbibigay proteksyon sa mga nais tumestigo laban sa katiwalian sa bayan.
“Kung matatandaan natin noong panahon ni Gloria Macapagal Arroyo, si Sammy Ong ay tinago namin doon sa San Carlos Formation, tinago namin siya sa bahay pari kung saan ako nakatira. at dahil dito ay nailabas yung mga gusto niyang sabihin tungkol sa Garci Tapes na nakapagbukas din naman ng kamalayan ng mga tao,” dagdag pa ng Obispo.
Sa pagtataya ng mga Human Rights Advocates umaabot na sa 12,000 ang napapatay dahil sa anti-illegal drugs campaign ng pamahalaan kasama na ang mga biktima ng extra-judicial killings.
Dahil dito, desidido ang simbahan na isulong ang katarungan para sa mga naging biktima ng madugong kampanya, upang matigil na rin ang lumalaganap pang patayan sa lipunan.