190 total views
Ikinatuwa ni Fr. Niño Garcia – Parish Priest ng San Lorenzo Ruiz Parish ang pagbibigay ng pagkakataon ng Department of Environment and Natural Resources sa Simbahang Katolika na mapabilang sa grupong magsasagawa ng mining audit sa Manicani Island.
Ayon sa pari, isang magandang pagkakataon ito upang masaksihan nila kung tunay na responsable ang isinasagawang operasyon ng mining firm, at kung gumagawa ba ito ng hakbang upang mapanumbalik ang kaayusan ng kapaligiran.
“Sa side ng simbahan at sa Diocese, maganda na binigyan kami ng slot duon sa auditing para magkaroon ng representation, ang parokya sa separate entry at ang diocese through the Social Action Commission, kasama kami duon sa auditing and we will be part of the team also na mag-iikot duon sa mining and sabi nga namin this is one chance for us to see kung ano ang ginagawa ng mining firms duon sa rehabilitation at kung paano nila inaayos o ginagawa ang kanilang tungkulin bilang isang kumpanya para sa pangangalaga ng kalikasan,” pahayag ni Fr. Garcia sa Radyo Veritas.
Ayon sa Hinatuan Mining Corporation, nakapagbibigay ng mga pabahay, recreational activities at livelihood program.
Mayroon na itong 445 residente o 645 na mga pamilyang natulungan at nabigyan ng trabaho sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pagmimina sa isla.
Gayunman, kinakailangan parin itong sumailalim sa mining audit ng DENR.
Sa kasalukuyan mayroon nang siyam na kumpanya ng minahan ang nasuspinde matapos magsagawa ng audit ang ahensya.
Ang mga minahan mula sa mga lalawigan ng Zambales, Palawan, Surigao Del Norte, at Bulacan ay napatunayang lumabag sa patakaran ng DENR at nagdulot ng labis na pinsala sa kalikasan at sa pamumuhay ng mga residente.