157 total views
Naniniwala si Borongan Bishop Crispin Varquez na napapanahon na pagtibayin ng Simbahang Katolika ang pagkilos nito para sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Ayon kay Bishop Varquez, mahalaga ang koordinasyon sa iba’t-ibang sangay ng Simbahan katuwang ang iba pang mga sektor ng lipunan upang maging maagap sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayan mula sa epekto ng kalamidad.
Aminado si Bishop Varquez na dahil sa kanilang naging karanasan sa bagyong Yolanda noong taong 2013 ay mas napatunayan ang kalahagahan ng ugnayan mula sa iba’t-ibang diyosesis at pagkakaroon ng mas maagap na pagkilos.
“Nakita ko po ang kahalagahan ng coordination sa lahat ng Dioceses, sa lahat ng Local Churches sa Pilipinas dahil sa aming experience sa super typhoon Yolanda, nagising kami sa katotohanan na dapat ma-coordinate ang lahat para madali ang coordination in case something will happen, in any places in the Philippines or outside the country we can make proper action on how we can mobilize our assistance to those people who will be possible victims of calamities,” pahayag ni Bishop Varquez sa panayam ng Radio Veritas.
Magugunitang kamakailan lamang ay isinagawa ang ika-38 National Social Action General Assembly o NASAGA sa Palo, Leyte kung saan isa sa naging paksa ay ang pagbuo ng Simbahang Katolika ng kaukulang pagpaplano para makatugon sa epekto ng kalamidad sa bawat Diyosesis.
Sa pangunguna ng National Secretariat for Social Action o NASSA/Caritas Philippines katuwang ang Caritas Manila, Radyo Veritas at iba pang mga diyosesis sa Pilipinas ay pinaplano ang pagkakaroon ng pinag-isang pagkilos at pagtugon ang mga Simbahan sa oras ng kalamidad.
Matatandaan na umabot sa 16 na milyong indibidwal ang naapektuhan ng bagyong Yolanda nang manalasa ito Nobyembre ng taong 2013.
Siyam na diyosesis sa Pilipinas ang labis na naapektuhan ng nasabing kalamidad kung saan magpahanggang sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa ang programang pang-rehabilitasyon ng Simbahang katolika.