189 total views
Ipinagdiwang ang unang anibersaryo ng Laudato Si kasabay ang paglulunsad ng Global Catholic Climate Movement – Pilipinas sa University of Santo Tomas noong ika-18 ng Hunyo.
Dito binigyang diin ni Rev. Father John Leydon convenor ng GCCM Pilipinas, ang layunin ng grupo na mapagisa at magkasama sama ang mga katolikong mananampalataya, sa pagpapaigting ng pangangalaga sa kalikasan.
“We need to make a big transition mula sa fossil fuel hanggang renewable, pag hindi natin gawin yan, lagot tayo, and there are many vested interest there and there are many people na nakadepende rin sila sa industriya na yan so we need to be courageous to move.” Pahayag ni Fr. Leydon sa Radyo Veritas.
Umaasa si Fr. Leydon na matapos ang launching ng GCCM pilipinas ay madadagdagan pa ang mga grupo at indibidwal na magpapahayag at magsasabuhay ng Laudato Si.
Samantala, bilang bahagi ng GCCM-Pilipinas, nanawagan si CBCP NASSA/Caritas Philippines Executive Secretary Fr. Edwin Gariguez sa susunod na administrasyon na na seryosohin at gawing prayoridad ang paglaban sa Climate Change.
“Sabi nga niya ay Change is Coming, so isa sa bahagi ng pagbabago ay itong sa policy on climate.” Pahayag ni Fr. Gariguez.
Kaugnay dito, tiniyak ni Fr. Dexter Toledo, OFM – National Coordinator of Ecological Justice Interfaith Movement na hindi mananahimik ang simbahang katolika at patuloy na ipaglalaban ang adhikain para sa malinis na kapaligiran at kapakanan ng pamayanan.
“Meron na tayong bagong Pangulo, meron na tayong bagong mga lider, at inaasahan natin na yung adhika natin para sa pangangalaga sa kalikasan ay maging bahagi ng kanilang plataporma ng pamumuno.” Pagbabahagi ni Fr. Toledo.
Binigyang diin rin ng grupo sa susunod na administrasyon ang pangangailangan ng bansa sa malinis na pinagkukunan ng enerhiya o renewable energy, at ang pagtupad ng Pilipinas sa kasunduan sa COP21 na pagbawas ng 70 porsyento sa Carbon Emissions ng bansa.
Naniniwala ang GCCM-Pilipinas na magagawa ito ng susunod na administrasyon kung babawiin ang permit na ibinigay ng Aquino Administration sa 27 Coal Fired Power Plants na nakatakdang itayo hanggang taong 2020 at sisimulan na ang unti-unting pagpapasara sa 19 na Coal plants na kasalukuyang nag o-operate sa bansa.