307 total views
Positibo ang nakikitang pagbabago ni Cagayan De Oro Archbishop Antonio Ledesma sa mamamayang kanyang pinamumunuan matapos makibahagi ang Ecclesiastical Province ng Cagayan De Oro sa Caravan na Salakyag para sa Sangnilikha 2018.
Ayon sa Arsobispo,marami na ang nagpapakita ng pakialam sa suliranin ng kanilang bayan sa pagmimina, at nakahanda sa ibayong pag-aaral patungkol sa irresponsible mining, at illegal logging.
“Dito sa Butuan nagkakaroon na ng concern tungkol sa mining issues at also yung mga irresponsible logging so nagkakaron din ng mga awareness raising dito tungkol dyan.” pahayag ng Arsobispo sa Radyo Veritas.
Umaasa si Archbishop Ledesma na sa pagpapatuloy ng Salakyag sa iba pang mga lalawigan sa bansa ay patuloy na mamumulat ang mga Filipino sa panganib na nakaabang sa kapaligiran dulot ng mga gawaing sumisira sa kalikasan.
Naniniwala ito na ang pagpapataas ng kaalaman ng mamamayan ang magiging susi upang mas mapaigting pa ang sama-samang pagprotekta ng bawat indibidwal sa sang nilikha, at magkaroon ang mga tao ng lakas ng loob na ipagtanggol ang kapaligiran laban sa mga tiwaling kawani ng pamahalaan.
“Ipagpatuloy natin ang ating awareness raising sapagkat yun ang kailangan dito na there is general attention given to, itong public issues, sapagkat alam din natin dito, lalo na sa Agusan, there is also a lot of silent cooperation ng mga Public Officials tungkol sa mining at ito rin ang isang malaking problema dito.” Dagdag pa ng Arsobispo.
Samantala, hinangaan naman ni Father Edwin Gariguez – Executive Secretary ng CBCP NASSA / Caritas Philippines ang mainit na pagtanggap ng mga komunidad na nadaraanan ng grupo ng mga kasama sa Salakyag.
Ayon sa Pari, nakamamanghang tila walang pagod sa paghihintay at pag-aabang ang mga mamamayan sa iba’t-ibang komunidad upang salubungin ang mga naglalakbay.
Kapansin-pansin din ayon sa pari ang nalilikhang solemnidad sa kapaligiran dahil sa pananalangin ng Santo Rosaryo ng mga nakikibahagi sa Salakyag.
“Napaka lakas ng pagtanggap ng mga tao sukdulang nakakatuwa na nakakapanindig balahibo na makita, kung minsan na dedelay, pero naghihintay sila, may mga kandila na tinitirik sa gilid ng kalsada at higit sa lahat may mga assembly point kung saan nagtitipon-tipon ang mga tao at sinasalubong kami na may mga kandila kung gabi o di kaya kung araw ay yung mga winawagayway na kung ano-anong banderitas,” bahagi ng pahayag ni Father Gariguez.
Umaasa din ang Pari na ang pinagsama-samang boses ng mga tao sa isinasagawang Caravan ay diringgin ni Pangulong Rodrigo Dueterte at Department of Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu, sa oras na makarating na sa Maynila ang grupo ng mga naglalakbay.
Ang Salakyag na nagsisimula sa Zamboanga City noong ika-28 ng Mayo, ay nakaraan na din sa mga lugar ng Cagayan De Oro, Butuan, Surigao City, at susunod na nitong tatahakin ang mga daan patungo sa Palo, Guian, Ormoc, Catbalogan, Matnog, Albay, Quezon, Batangas, Laguna, hanggang sa Metro Manila.
Magtatapos ang Caravan sa ika-5 ng Hunyo kasabay ng pagdiriwang ng World Environment Day.