205 total views
Binuksan ng Diocese of Gumaca, Quezon ang mga Simbahan at mga kumbento sa diyosesis para sa mga residenteng mangangailangan ng pansamantalang matutuluyan bunsod ng pananalasa ng bagyong Tisoy.
Ayon kay Gumaca Bishop Victor Ocampo nakahanda ang mga parokya at mga kumbento sa diyosesis na tumanggap at magpatuloy ng mga biktima ng bagyo dulot ng malalakas na hangin at ulan.
” Pinaghanda namin yung mga parishes, mga kumbento at mga parokya dahil sa malakas itong hangin at ulan…” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Ocampo sa panayam sa Radyo Veritas.
Bukod dito, naghahanda na rin ang diyosesis ng mga bigas at ilan pang relief items upang maipagkaloob sa mga residenteng mangangailangan ng agarang tulong.
“Ang aming Social Action ay naghahanda ng mga bigas para ipadala sa mga nangangailangan “ dagdag pa ni Bishop Ocampo.
Ipinanalangin naman ng Obispo ang paggabay ng Panginoon para sa kaligtasan ng bawat isa at kabutihan ng puso na magkaloob ng tulong para sa mga lubos na mangangailangan dulot ng sama ng panahon.
Ayon kay Bishop Ocampo, ang nagaganap sa bansa ay maituturing na isang paghahanda upang maging mulat sa pagdating ni Hesus ngayong panahon ng Adbiyento.
Batay sa tala, may halos 900,000 ang bilang ng mga Katoliko sa Diocese of Gumaca, Quezon na pinangangasiwaan ng may 68 na pari sa 29 mga parokya.