196 total views
Lubos ang pasasalamat sa Panginoon at sa mga sundalo ni Iligan Bishop Elenito Galido sa pagkakaligtas kay Father Chito Suganob at isa pang bihag ng Maute group makaraan ang mahigit sa 100 araw na digmaan sa Marawi City.
Ayon kay Bishop Galido, ang pagkakabawi kay Father Suganob ay isang magandang pagsalubong ng Panginoon kina Marawi Bishop Edwin dela Peña, Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma at Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo na pauwi mula sa Roma.
Pinuri at pinasalamatan din ni Bishop Galido ang mga sundalong naka-rescue kay Father Suganob at sa isang bihag na teacher.
Itinuturing ng Obispo na “good news at answered prayers” ang pagliligtas sa dalawang bihag ng Maute.
“Good news talaga. Nagpasalamat ako sa mga sundalo na naka rescue kay Fr. Chito at isang teacher yata ng Dansalan narescue sila at kaming lahat dito ay natutuwa. Talagang answered prayers. Talagang palagi naming ipinagdarasal. Ngayon malaya na sila. Thanks be to God,” pahayag ni Bishop Galido sa Radio Veritas.
Ang mga Obispo ng Mindanao ay nagtungo sa Roma para dumalo sa inter-faith dialogue sa Vatican at ibinahagi ang mga pangyayari sa Mindanao lalu na ang digmaan sa Marawi na inaasahang darating sa Pilipinas ngayong araw.
Ayon kay Bishop Galido, labis ang kanilang pasasalamat sa pagkakaligtas ng mga bihag at ito ay matagal na nilang ipinagdarasal na mabawi ng buhay ang pari at mga kasama nito.
Inamin ni Bishop Galido sa Radio Veritas na wala pang pakikipag ugnayan ang mga sundalo sa mga opisyal ng Simbahan sa Mindanao kaugnay sa pagkakaligtas sa mga bihag.
“Di pa namin siya nakita, bago lang ito. Hindi namin alam kung nasaan siya, kung nasa Marawi o dalhin sa Manila,” pahayag ni Bishop Galido.
Matatandaang bukod kay Father Chito, may dalawampung manggagawa ng St. Mary’s Cathedral ang tinangay ng mga terorista nang lusubin ang Simbahan noong May 23, 2017.
Ilan sa mga bihag ay nauna nang naiulat na nakaligtas at nakatakas sa kasagsagan ng military operation sa lungsod.
Ang Iligan City ang pangunahing lungsod kung saan lumikas ang mga residente ng Marawi City at ang Diocese of Iligan naman ang naging pansamantalang tahanan noon ni Bishop Dela Pena at Marawi Bakwits dahil sa kaguluhan.