224 total views
Handang makipagtulungan ang Simbahang Katolika sa pamahalaan sa pangangalaga ng mga Overseas Filipino Workers.
Ito ang tiniyak ni Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itenerant People sa pagkatalaga kay Permanent Representative to the United Nations Teddy Boy Locsin bilang bagong kalihim ng Department of Foreign Affairs kahalili ni Allan Peter Cayetano na tatakbong kongresista sa Taguig City.
“We extend our hands for mutual assistance and collaboration especially for wellbeing of OFW’s.” pahayag ni Bishop Santos sa Radioo Veritas.
Kinilala ng Obispo ang pagkakatalaga kay Locsin bilang bagong kalihim at umaasang mas paiigtingin nito ang mga programa na magpapahalaga sa karapatan at kapakanan ng mahigit sampung milyong Overseas Filipino Workers sa buong mundo.
“We humbly appeal to give preferential services for the protection of our OFW’s and better promotion of their rights and welfare.” ani ng Obispo.
Nasasaad sa ensiklikal na Pacem In Terris ni Pope John XXIII na kabilang sa personal na karapatan ng bawat indibidwal ang makapasok sa anumang bansa na naghahanap ng kabutihan sa kinabukasan kaya’t tungkulin ng mga namamahala sa bawat bansa na tanggapin at kalingain ang mga migranteng nais maging bahagi ng kanilang komunidad.
Una nang kinilala ng Simbahang Katolika ang ambag ng mga OFW hindi lamang sa kani-kanilang pamilya kundi maging sa paglago ng ekonomiya ng bansa.